ALCANTARA— Tamang player, sa tamang pagkakataon si Shaq Imperial para sa KCS Computer Specialist-Mandaue.
Naisalpak ng reigning CESAFI MVP ang krusyal three-pointer sa kritikal na sitwasyon para maisalba ang KCS Mandaue sa makapigil-hiningang 67-66 panalo Biyernes ng gabi laban sa liyamadong MJAS Zenith-Talisay City sa Game 1 ng best-of-three Visayas leg championship ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Ang game-winning shot ni Imperial ang nagsalba sa Mandaue mula sa kabiguan matapos mabitiwan ang 11 puntos na kalamangan sa final period. Naipatikim din ng Mandau ang unang kabiguan sa Talisay City na awtomatikong umusad sa championship round matapos walisin ang six-team double round elimination ng torneo kabilang ang dominasyon sa KCS.
Ngayon, target ng KCS na makumpleto ang matikas na pagbangon sa muling pakikipagtuos sa MJAS sa Sabado (Mayo 8) sa Game 2 ganap na 7:00 ng gabi at maitala ang kasaysayan bilang unang kampeon sa kauna-unahang professional basketball league sa South.
Abante ang Talisay sa 66-64 mula sa dalawang free throw ni Darrell Menina. Sa opensa ng KCS, nangibabaw ang karanasan at determinasyon ni Imperial ng maisalpak ang three-pointer matapos ang dalawang sablay na tira. Sa ikatlong pagkakataon, muling kumana sa three-point area si Imperial mula sa offensive rebound ng kasanggang si Michole Sorela para maagaw ang bentahe sa 67-66 may 40 segundo ang nalalabi sa laro.
May pagkakataon ang Talisay na maagaw ang bentahe at ang panalo, subalit sumablay ang dalawang free throw ni Jhaymo Eguilos at nakuha ni Dyll Roncal ang bola.
Nag-uumapaw ang kilig at kilabot sa magkabilang bench, higit at sumablay ang baseline jumper ni Sorela, gayundin ang putback shot ni Bernie Bregondo para sa isa pang pagkakataon, ngunit hindi na nagawang makahingi ng time-out ni Talisay main man at Season MVP Jaymar Gimpayan sa loose ball kung kaya’t napilitan ang kasangga na si Paulo Hubalde na ibalibag ang Hail Mary three-pointer sa buzzer.
Hataw si Imperial sa naiskor na 16 puntos, apat na rebounds, dalawang assists at isang steal.
“He always comes up big when his number is called,” pahayag ni KCS assistant coach Vince Urot, patungkol sa game-winning shot ni Imprerial. “We all know him from his CESAFI days. He is not afraid to take those big shots in the grandest stage.”
Nag-ambag si Gryann Mendoza ng 15 puntos, tampok ang 11 sa final period, habang kumana si Ping Exciminiano ng 10 puntos, limang rebounds, apat na assists, at tatlong steals.
“It is our main calling card from the start of the season,” sambit ni Urot. “Coach Mike (Reyes) really wants to focus on the defensive side, Alam naman natin gaano kagaling ang Talisay sa offense. It was just all effort and hardwork sa defense.”
Nagawang makahabol ng Talisay at naitabla ang iskor sa 62-all mula sa 11-0 run, tampok ang three-pointer ni Patrick Cabahug. Ngunit, naging mailap ang pagkakataon sa tournament favorite sa krusyal na sandali.
Nanguna si Cabahug sa Talisay na may 12 puntos mula sa 3-of-10 shooting, habang kumana si Menina ng 11 puntos.
Iskor:
KCS-Mandaue (67)—Imperial 16, Mendoza 16, Exciminiano 10, Bregondo 7, Sorela 6, Delator 4, Roncal 4, Tamsi 3, Castro 0, Soliva 0, Octobre 0, Nalos 0, Mercader 0, Bongaciso 0.
MJAS-Talisay (66)—Cabahug 12, Menina 11, Eguilos 8, Villafranca 8, Gimpayan 7, Hubalde 6, Moralde 3, Mojica 3, Santos 2, Casajeros 2, Acuña 2, Jamon 2, Alvarez 0.
Quarterscores: 12-18, 27-32, 47-44, 67-66.