NUEVA ECIJA - Tatlong pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Bgy. Bitas, Cabanatuan City, nitong Huwebes ng madaling-araw.
Pinangunahan ni City Police chief, Lt. Col. Barnard Danie Dasugo, ang operasyon na ikinasawi ng mga suspek na sina Daniel Lopez, taga-Bgy. DS Garcia; Jared Asuncion, taga-De Guzman Subd., Bgy. Bantug Norte ng lungsod at isang alyas "Jake".
Sa police report, binentahan umano ng shabu ng mga suspek ang isang poseur-buyer, gayunman, nakahalata umano ang mga ito kaya pinaputukan ang mga pulis, dakong 5:15 ng madaling araw,
Kaagad namang nakipagbarilan ang mga pulis na ikinamatay ng mga suspek.
Sinabi ng pulisya na matagal na nilang sinusubaybayan ang iligal na gawain ng mga suspek hanggang sa sila ay mabitag na nagresulta sa kanilang pagkasawi.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang Cal. 38 revolver, isang Cal. 45 pistol, 50 gramo ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P100,000 at marked money.Light Nolasco