ni FER TABOY
Patay ang isang lalaki matapos mauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Pili, Camarines Sur, kahapon.
Kinilala ang suspek na alyas “Yaba,” 37, residente ng Bgy. San Jose, Iriga City, sa naturang lalawigan.
Sinabi niPLt Fatima Ibias-Lanuza, tagapagsalita ng Pili Municipal Police Station, na gamit ang P500 bill bilang buy-bust money, nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu, na naging hudyat para dakpin ang suspek. Gayunman, bigla na lamang umano itong bumunot ng baril at nakipagpalitan pa ng putok sa mga awtoridad hanggang sa mabaril ang suspek na agad nitong ikinamatay.
Kaugnay nito, narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .45 pistol; isang stainless magazine na may laman ng dalawang calibre. 45 live ammunitions; dalawang piraso ng caliber 45 fired cartridge cases; dalawang transparent plastic bag na may laman ng pinaniniwalaang shabu; at iba pang mga drug paraphernalia.
Samantala, nabatid din na konektado sa Joey Blanco drug group ang naturang suspek.
Sa ngayon, isinailalim na sa post-mortem examination ang bangkay ng suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.