ni BERT DE GUZMAN
Naniniwala at naninindigan si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na isa sa problema sa West Philippine Sea (WPS) ay walang iba kundi si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sapagkat siya mismo ang umano'y humahadlang sa pagpapatupad ng tagumpay ng Pilipinas sa Arbitral Court sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa retiradong mahistrado, si PRRD pa raw ang nagkakalat ng maling nosyon na kontrolado ng China ang WPS. Tinawagan ni Carpio ang mga mamamayan na "gisingin" si Mano Digong sa kanyang "malalim na pagkakahimbing" sa pamamagitan ng paalala na ang Pilipinas ang tanging may-ari ng mga resources na saklaw ng 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ).
"Dapat ituwid ng mga Pilipino ang false mantra ni President Duterte na nasa posesyon o pag-aaari na ng China ang West Philippine Sea … Shout out to President Duterte that China is not in possession of [that area],” pahayag ng mahsitrado noong Biyernes sa kanyang webinar na itinaguyod ng Philippine Bar Association (PBA).
Sa kanyang weekly televised address noong Miyerkules ng gabi, labis ang pagpuri ng Punong Ehekutibo sa Beijing at iginiit na malaki ang utang na loob ng mga Pinoy sa China sa pagkakaloob ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Niliwanag ni Carpio na bagamat nag-donate ang China ng isang milyong bakuna sa bansa, ang Pilipinas ay bumili naman ng 25 million doses mula sa Chinese pharmaceutical firm Sinovac Biotech, subalit tanging 10 porsiyento pa lamang ang naidedeliber.
Ayon kay Carpio, natural lang sa bansa ni Pres. Xi Jinping na tanggihan ang 2016 arbitral award, subalit ang nakagugulat at “totally unexpected” ay mismong ang pinakamataas na lider ng Pilipinas pa ang magiging hadlang sa pagpapatupad ng makasaysayang tagumpay ng bansa.
Binanggit ni Carpio na noon ay inanunsiyo ng Pangulo na "isaisantabi" niya ang desisyon ng arbitral court decision kapalit ng hanggang $24 bilyong pamumuhunan at pautang mula sa China. “But less than 5 percent of these loans and investments have materialized and nothing more is expected since Duterte’s term of office will expire in June next year".
Iminungkahi ni Carpio, na ang legal expertise ay malaking factor sa tagumpay ng Pilipinas sa arbitral tribunal, na pumasok ang ating bansa sa isang kasunduan sa apat na kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na may mga claim din South China Sea—Vietnam, Indonesia, Brunei at Malaysia.
Sinabi niya na dapat himukin ng Pilipinas ang Indonesia, Malaysia at Vietnam na ipadala ang kanilang hiwalay na magreklamo laban sa China sa arbitral court sa Hague, na sumasalungat sa pag-angkin ng China sa “traditional fishing rights” na saklaw ng kani-kanilang respective EEZs.
“These Asean states will have their own rulings that will be binding on China. These rulings will fortify and reinforce the award [to the Philippines],” anang mahistrado. Umaasa ang mga Pilipino na dapat na si PRRD ang manguna sa pagtatanggol sa claims ng Pinas sa WPS, pero nauunsiyami sila sa waring pagsasawalang-kibo ng Pangulo. Gayunman, naninindigan ang Malacanang na walang bahagi ng WPS ang ipamimigay o isusurender nito.