ni MARY ANN SANTIAGO
Nagpaliwanag si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kaugnay sa ginawang pagpapabakuna ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi, gamit ang COVID-19 vaccine ng Sinopharm.
Sa isang panayam sa Sta. Ana Hospital, sinabi ni Duque na ang pagturok sa presidente ng Sinopharm vaccine ay sa bisa o sakop ng compassionate special permit (CSP) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Duque, ito rin ang CSP na inisyu ng FDA para sa Sinopharm vaccines ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).
Paglilinaw pa ng kalihim, ang desisyon ni Duterte na magpabakuna ng Sinopharm vaccine ay batay sa prescription o payo ng kanyang doktor.
Matatandaang noon pa man ay sinabi na ng pangulo na "preferred" o nais niyang ang bakuna ng Sinopharm ang maiturok sa kanya.
Naniniwala naman si Duque na ang pagpapabakuna ng presidente ay makakatulong para mapalakas ang kumpiyansa ng mga tao sa COVID-19 vaccine.