ni MARY ANN SANTIAGO

Itinaas ni Pope Francis sa ranggong ‘Minor Basilica’ ang isang 16th century na simbahan sa Ilocos Sur.

Ipinahayag ni Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta ang magandang balita hinggil sa bagong estado ng St. Nicholas of Tolentino Parish Church sa bayan ng Sinait, sa isang banal na misa na idinaos nitong Mayo 3.

Ang anunsiyo ay isinagawa kasabay ng pagbubukas ng “Jubilee Door” ng simbahan at ika-tatlong taon simula nang ideklara ang Parokya bilang Archdiocesan Shrine ng Sto. Cristo Milagroso.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ang naturang designasyon ay ipinagkakaloob sa mga simbahan sa buong mundo bilang pagkilala sa kanilang ‘special pastoral’ at ‘liturgical significance’ sa buhay Katoliko, at pagiging malapit sa Santo Papa.

Ang kahilingan para sa minor basilica status ay iprinisinta ng Parokya sa Congregation for Divine Worship at sa Discipline of the Sacraments noong 2020.

Ang St. Nicholas of Tolentino Parish Church na itinatag noong 1574 ng Augustinian missionaries at natapos noong 1598, ay ikinukonsidera bilang isa sa pinakamatandang religious edifices sa bansa.

Ang naturang dambana rin ang tahanan ng 400-year-old na life-size image ng nakapakong Kristo.

Ang imahe ay natagpuan noong 1620 sa pampang ng Dadalaquiten, sa hangganan ng mga bayan ng Sinait at Badoc sa Ilocos Norte.

Kasama nito ang isang Marian statue, na nakalagay sa isang crate na palutang-lutang sa pampang nang matagpuan ng mga mangingisda habang nag-aayos ng kanilang mga lambat.

Dinala ang krusipiho sa Sinait habang ang Marian statue ay dinala sa Badoc Church, na idineklara na ring Minor Basilica noong 2019.

Ang elevation rite para sa pagiging Minor Basilica ng St. Nicholas of Tolentino Parish Church ay itinakda sa Setyembre 10, 2021, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni St. Nicholas.

Ito ang magiging kauna-unahang minor basilica sa arkidiyosesis at ikalawa naman sa Ilocos region.