ni DAVE VERIDIANO
HINDI ko inaasahan na sa kasalukuyang sibol ng mga teenager na ang karamihan ay cellphones at computer games ang kaulayaw halos buong maghapon, ay may mga makapagsusulat ng malalim na opinyon hinggil sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan, base na rin marahil sa kanilang nakikita sa kapaligiran, mga nababasa at napapanood sa social media.
Buong akala ko – wala silang pakialam sa mundong ibabaw! Sorry, pero nagkamali pala ako sa agarang paghusga. Sumugat sa puso at isipan ko ang talim ng kanilang panulat. Ramdan ko ang mga nag-aalab nilang damdamin na ‘di man lang ipinagkakanulo ng kanilang pagkikilos-bata!
Naimbitahan kasi akong maging hurado sa paligsahan sa pagsusulat ng Bulacan State University (BSU), at nagagalak ako na ibahagi sa inyo ang akda na nagwagi ng unang gantimpala sa Opinion Writing category -- na isinulat ni Aliza Arcila, B.A. Journalism student mula sa BSU - College of Arts and Letters.
Ano ang dapat katakutan: Virus o Gobyerno?
ISANG milyong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ang naitala kahapon. Kaliwa’t kanan na ang namamatay sa pandemiya. Tila naging orbituaryo na ang Facebook ng mga kaanak ng namatayan. Puno na ang mga ospital. Marami ang nawalan ng trabaho. Nagsulputan ang mga community pantries sa iba’t ibang sulok ng bansa. Wala pa ring sapat at maayos na distribusyon ng ayuda.
Ito ang sitwasyon ng bansa ngayon, mahigit isang taon nang magsimula ang pandemiya.
Hindi ko mawari ang kaba sa aking dibdib nang malaman na isang malapit na kaanak ko ang pumanaw dahil sa COVID-19 ngayong buwan. Siya ay namatay lamang sa loob ng isang tent sa labas ng ospital, dahil kulang ang pasilidad para sa pasyente. Nakatatakot. Nasa tabi ko na lamang ang panganib. Ngunit hindi ko alam kung ano ang mas katatakutan ko – ang virus ba o kapabayaan ng gobyerno?
Kitang-kita at damang-dama na ng masang Pilipino ang incompetence ng administrasyon ni Duterte.
Saan ba sila nagkulang?
Una, wala silang konkretong planong medikal. Patuloy silang pagbibingi-bingihan sa mga suhestiyon ng medical experts sa pagpaplano. Ang tanging solusyon lamang ng administrayon ni Duterte ay ang vaccines. Sa ngayon ay, 214,792 na ang fully vaccinated na Pilipino. Ito ay 0.31% lamang ng 60% target population ng gobyerno na mabakunahan ngayong taon. Ngunit, 43,835 lang ang estimated na nababakunahan kada araw sa bagal ng distribusyon ng vaccines.
Ngayong patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID-19, mas mahirap na kontrolin ang pagkalat ng virus dahil walang structured na contact tracing at mass testing. Hindi rin accessible ang mga testing kit para sa mga manggagawang sumasahod lamang ng minimum wage.
Pangalawa, pagpapatupad ng sunud-sunod na lockdown tuwing nagkakaroon ng surge ng kaso ng virus. Kasabay ng lockdown ay ang pagpapatupad ng hindi malinaw na quarantine rules. Ang temporaryong solusyon na ito ay nagresulta sa libu-libong Pilipinong walang hanapbuhay. Patuloy ang pagbaba ng ekonomiya ng bansa. Kung kaya’t nagsimulang magtayo ng mga community pantries na sumisimbolo sa bayanihan ng mga Pilipino. Ngunit huwag nating kakalimutan na ang nag-udyok lamang para gawin ito ng masa ay ang kapabayaan ng gobyerno na hatiran sila ng tulong.
Pangatlo, imbes na pagtuunan ng pansin ang lumalalang krisis ng COVID-19, sa ibang isyu itinutuon ang pansin ng gobyerno. Tulad na lamang ng pagpapalagay ng dolomite sa Manila Bay, na ginastusan ng milyones na pondo.
Ano nga ba ang dapat gawin ng gobyerno?
Dapat na magkaroon ng seguridad ang mga tao pagdating sa kanilang kalusugan. Magtatag ng malawakan at libreng mass testing sa komunidad at contact tracing. Magbigay ng libreng konsultasyon at itaas ang suweldo ng mga medical frontliners. Pabilisin ang paglikom ng impormasyon. Bigyan ng suporta ang mga pampublikong ospital sa pamamagitan ng pag-donate ng mga kama, at iba pang pasilidad na magagamit ng mga pasyente. Bigyan din ng suporta ang maliit na mamamayan, lalo na ang mga manggagawa na nasa lansangan dahil sila ang pinaka-exposed sa virus. Bigyan ng sapat na ayuda ang mga mamamayang apektado ng lockdown. Ang agarang pagbili at distribusyon ng vaccines ay makatutulong din upang makamit ang herd immunity sa bansa.
Tandaan na ang problemang pang-ekonomiya ay masosolusyunan lamang kung bibigyan ng prayoridad ng pamahalaan ang kalusugan ng mga mamamayan.(Aliza Arcila)
Saludo para sa iba pang nagwagi sa “Tintagisan 2021” na pinamahalaan ng BULSU Journalism Society. Congrats din kina Dianne Emerhey Dig para sa 2nd place at Kenneth Duran sa 3rd place. MABUHAY!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]