ni BERT DE GUZMAN
Kung si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang tatanungin, kailangan daw ng mga Pilipino ng isang lider o Presidente na magtatanggol sa West Philippine Sea (WPS) at hindi basta na lang magsasawalang-kibo. Sinabi ito ng retiradong mahistrado noong nakaraang Huwebes.
Ang pahayag ay bilang tugon ni Carpio sa pagtatanong sa kanya at ni ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kung bakit "naglaho" ang WPS sa Pilipinas at naangkin ng China.
"Filipinos deserve, and should demand, a President who loves Filipinos first and foremost and who will uncompromisingly defend Philippine sovereignty and sovereign rights in the West Philippine Sea," ayon kay Carpio.
Binigyang-diin niya na siya ang nagrekomenda sa Aquino administration na maghain ng South China Sea (SCS) arbitration case kasunod ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China sa Panatag (Scarborough) Shoal noong 2012. Hindi tumupad ang China sa kasunduan na lisanin nila ng PH ang Panatag para maiwasan ang gulo.
Ipinaliwanag ni Carpio na nagtamo ang ating bansa ng isang landmark victory sa desisyon ng 2016 arbitral court na nagbabalewala sa China's nine-dash line claim. Gayunman, sinabi ng mahistrado na ang gayong arbitral ruling pabor sa ‘Pinas ay iwinaksi ni PRRD bilang kapalit ng pabor na loans o pautang na ipagkakaloob ng kaibigan (daw) niyang si Chinese Pres. Xi Jinping.
Hanggang ngayon daw wala pang 5 porsiyento ng gayong mga loans at investments na ipinangakong ipagkakaloob ng Beijing sa PH ay hindi pa natutupad kahit nalalapit na ang pagbaba sa puwesto ni Mano Digong sa susunod na taon.
Ayon kay Carpio, hinahayaan ng Pangulo ang China na mangisda sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea. "Umaangkat pa tayo ngayon ng galunggong mula sa China, ang mga galunggong na kinukuha ng mga mangingisdang-Tsino sa West Philippine Sea".
Inihayag ng retiradong mahistrado kung papaano nagsawalang-kibo ang Duterte administration nang kamkamin ng Chinese ang Sandy Cay, isang sand bar na dalawang nautical miles lang mula sa Pag-asa Island sa Palawan.
Samantala, sa kanyang recorded speech na inere noong Miyerkules ng gabi, sinisi ni Duterte sina Carpio at Del Rosario sa kasalukuyang situwasyon sa "pagkawala" ng WPS sa Pilipinas. "Alam mo, isang tanong lang ako kay (Antonio) Carpio pati kay Albert (Del Rosario). Kung bright kayo, bakit nawala ang West Philippine Sea sa atin? Panahon ninyo ‘yon eh," anang Pangulo.
Iginiit ni PRRD na ang pagpipilit sa arbitral award ay nangangahulugan ng pakikidigma sa China, isang argumento na laging binabalewala nina Carpio, Del Rosario at ibang pang mga eksperto sa maritime law o batas sa karagatan.
Sabi nga ng mga Pilipino, bakit lagi niyang sinasambit ang pakikidigma sa China kapag ipinaalam natin ang mga paglabag ng dambuhalang nasyon sa pag-angkin at pag-okupa sa mga reef, shoal at islets ng bansa sa WPS?