Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Kinalos ng No.5 seed Dumaguete ang No.4 ranked Tabogon sa overtime, 67-65, Sabado ng gabi para angkinin ang pagkakataon na harapin ang ARQ Builders Lapu Lapu sa winner-take-all ng stepladder playoffs ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Visayas leg sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Tulad ng inaasahan, dikdikan ang laban at makapigil-hininga ang bawat tagpo sa winner-take-all stage ng kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).

Bunsod ng panalo, nakuha ng Dumaguete ang karapatan na labanan ang ARQ Builders Lapu-Lapu sa do-or-die game Linggo ng hapon (Mayo 2) para sa ikalawang semifinal tiket.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakausad ang ARQ Builders, sa pangunguna nina Reed Juntilla at Dawn Ochea, nang pataubin ang Tubigon Bohol, 73-69.

Nagawang maibaba ng Tubigon ang 17 puntos na bentahe ng ARQ sa 61-65 sa mainit na opensa, tampok ang impresibong hook shot ni Pari Llagas may 2:20 ang nalalabi sa laro.

Ngunit, naisalpak ni Ochea ang dalawang free throws kasunod ang dalawang jumper ni Juntilla sa sumunod na play para mailayo ang iskor sa 71-61 tungo sa huling 60 segundo ng laban. Nakahirit pa ang Bohol mula kay Jeery Musngi, subalit mabilis na nakaganti si Juntilla sa pahirapang undergoal shot para selyuhan ang panalo.

Ang magwawagi sa duwelo ng Dumaguete at ARQ ang hahamon sa KCS Computer Specialist-Mandaue sa semifinals. Tangan ng Mandaue ang twice-to-beat advantagesa seminal duel. Naghihintay na sa best-of-three Finals ang MJAS Zenith-Talisay City na awtomatikong umusad sa championship round nang makompleto ang double-round sweep.

"All of us will stay behind to watch and scout the second game. We only have less than 24 hours to prepare for the next game," pahayag ni ARQ assistant coach Jerry Abuyabor.

Walang kabig-kabigin sa ratsada ng Dumaguete at Tabongon sa kabuuan ng laro na natapos 59-all sa regulation period.

Sa extra period, nanatili ang palitan ng pahirapang opensa ng magkabilang panig na nagresulta sa huling pagtabla sa 63-all. Naisalpak ni Ronald Roy ang three-pointer para sa 66-63 bentahe ng Dumaguete may 1:37 ang nalalabi sa extra period.

Naidikit muli ng Tabongon ang iskor sa 65-66 mula sa magkasunod na split free throw nina Jethro Sombero at Harold Arboleda.

Nasayang ang pagkakataon ng Voyagers na maagaw ang bentahe ng ma-technical si guard Joemari Lacastesantos matapos tumawag ng timeout, gayung wala nang natitirang timeout ang Tabongon. Naisalpak ni Jaybie Mantilla ang free throw para sa 67-65 may pitong segundo ang nalalabi sa laro.

Hindi rin nakakonekta ang three-pointer ni Arboleda, habang sablay ang fadeaway jumper ni Arvie Bringas sa buzzer, sapat para makalusot ang Dumaguete.

Nanguna si Mantilla na may 24 puntos, 12 rebounds, tatlong assists, at apat na steals, habang kumana si Doligon ng 17 markers, 10 boards, dalawang rebounds, isang steal at isang block. Tumipa si ang 5-foot-9 guard na si Roy ng 11 puntos at 12 rebounds.

“We’re all very tired but we still need to focus on Sunday’s game so we can’t relax,” pahayag ni Roy, produkto ng University of San Jose-Recoletosat dating MVP ng CESAFI. “We need to fight to win or we’re all going home.”

Iskor:

(Unang Laro)

ARQ Lapu-Lapu (73)—Ochea 21, Juntilla 16, Senining 10, Tangkay 10, Berame 6, M. Arong 2, Abad 2, Mondragon 2, Regero 2, Galvez 0.

Bohol (69)—Llagas 22, Marquez 12, Casera 10, Leonida 9, Musngi 8, Ibarra 6, Tilos 2, Tangunan 0, Dadjilul 0.

Quarterscores: 20-10, 39-30, 57-44, 73-69.

(Ikalawang Laro)

Dumaguete (67)—Mantilla 24, Doligon 17, Roy 11, Gabas 7, Regalado 4, Monteclaro 2, Tomilloso 2, Velasquez 0, Aguilar 0.

Tabogon (65)—Bringas 18, Lacastesantos 10, Orquina 8, Sombero 8, Delos Reyes 7, Arboleda 5, Vitug 3, Diaz 2, Bersabal 2, De Ocampo 2, Caballero 0.

Quarterscores: 17-15, 31-28, 47-38, 59-59, 67-65.