ni MARY ANN SANTIAGO

Hahatiin ng pamahalaan sa limang local government units (LGUs) sa Metro Manila ang 15,000 trial-order doses ng Russia-made Sputnik V vaccine laban sa COVID-19 na dumating sa bansa, kamakailan.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, makakatanggap ng tig-3,000 doses ng naturang bakuna ang mga lungsod ng Makati, Taguig, Muntinlupa, Maynila at Parañaque.

Ipinaliwanag ni Cabotaje na ang mga naturang lungsod ang napiling bigyan ng bakuna dahil mayroon silang akmang cold storage facility para pag-imbakan ng Sputnik V vaccine.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Mayroon silang cold-chain ready facility na mag-fit,” ani Cabotaje.

Nabatid na ang Sputnik V vaccines ay kailangang iimbak sa pasilidad na may temperaturang -18 degrees Celcius.

Maaari aniya itong iturok sa mga indibiduwal na may nasa 18 taong gulang pataas ang edad.

Ang ikalawang dose nito ay dapat rin aniyang maiturok, may 21 araw matapos na maibigay ang unang shot ng bakuna.

Tiniyak naman ni Cabotaje na sa ngayon ay wala pang side effect ang naturang bakuna na naiuulat mula sa ibang bansa.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Cabotaje na ang pagdating naman ng natitira pang 485,000 Sputnik V doses ay depende sa availability ng bakuna at ng shipping logistics.

Ipapadala rin aniya ang mga ito ng by batch upang mabigyan ng pagkakataon ang Russia na mapag-aralan ang kanilang vaccine deployment process.

Ipinaliwanag ni Cabotaje na kaunti lamang muna ang mga bakuna na ipinadala ng Russia dahil nais nilang malaman kung paano ia-administer ng Pilipinas ang mga bakuna, upang matiyak na hindi masasayang ang mga ito.