ni LIGHT A. NOLASCO
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 22-anyos na lalaki nang saksakin ng samurai sa dibdib habang naghahapunan dahil sa hindi umano pagbabayad ng renta, sa Barangay Putlod, Jaen, Nueva Ecija, kamakailan.
Sa naantalang ulat, kinilala ng pulisya ang biktima na si Joseph San Jose, 22, isang pump attendant.
Sa pagsisiyasat ni PSSgt. Gerald Catacutan, may hawak ng kaso, dakong 10:00 ng gabi nang dumating sa bahay ng biktima ang landlord kasama ang anak nito na armado ng kutsilyo at isa pang ‘di nakilala, upang singilin ang biktima sa bayad nito sa renta.
Sa tindi umano ng galit ng suspek na si Diosdado De Luna, ay tinarakan nito sa dibdib ang biktima gamit ang kutsilyo.
Naisugod pa sa San Antonio District hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead-on-arrival.
Naaresto naman agad ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya ang mga suspek na kinasuhan ng murder habang nakakulong na sa male custodial facility ng Jaen Municipal Police Station.