Ni Edwin Rollon

ALCANTARA— Tulad ng naipangako, hindi sasayangin ni Rendel Senining ang ikalawang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng VisMin Cup management.

Hataw ang nagbabalik mula sa suspension na si Senining sa naitumpok na 20 puntos para sandigan ang ARQ Builders Lapu-Lapu sa dominanteng 101-67 panalo laban sa Tubigon Bohol Mariners, Biyernes ng gabi sa pagtatapos ng double-round elimination, habang nasiguro ng KCS Computer Specialists-Mandaue City ang No.1 spot sa semifinals ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center in Cebu.

Tinapos ng ARQ ang eliminasyon tangan ang 5-5 para masungkit ang No.3 seed sa stepladder playoffs simula ngayong Sabado (Mayo 1). Muling magtutos ang Heroes at Mariners squad (2-8) sa knockout game stepladder phase ganap na 3:00 ng hapon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nauna rito, hindi na nagpatumpik ang KCS Mandaue City para ibaon ang Dumaguete City tungo sa dominanteng 78-50 panalo at patatagin ang kampanya na makausad sa Finals ng kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).

Napatibay ng KCS ang katayuan sa No.2 tangan ang 8-2 record at twice-to-beat advantage sa semifinal duel. Naghihintay na sa best-of-three Finals ang MJAS Zenith-Talisay City na awtomatikong umusad sa championship round matapos walisin ang elimination tangan ang 10-0 karta.

“Of course, maganda ang morale nila pero mas importante is our defensive schemes are getting more consistent than before. We are also addressing the rebounding. I think we are more than ready for the semis,” pahayag ni coach Mike Reyes.

Naitarak ng KCS ang 17 puntos na bentahe sa halftime, 37-20. Mula rito, hindi na nakatikim ng anumang pagbabanta ang Mandaue sa karibal.

“Getting better na si Ping (Excimiano). His groove sa game is medyo okay na. Pero ayun nga every time tatakbo siya, natatakot kami,” sambit ni Bautista, patungkol sa kanyang pambatong forward. “Good thing is okay naman ngayon. Lahat masaya kasi he’s back!”

Tinapos ng Dumaguete ang eliminations na may 2-8 marka.

Naisara ng ARQ ang halftime sa 41-25, bago tuluyang napalobo ang kalamnagan sa 27 puntos sa kaagahan ng final period, sa pangunguna nina guards Reed Juntilla at John Abad.

“Sobrang nakakaginhawa,” pahayag ni ARQ assistant coach Jerry Abuyabor. “Finally, the team now back. Hopefully, this would be our spring board to the semis and sana tuloy tuloy na.”

Nanguna ang nagbabalik na si Senining, kabilang sa mga napatawan ng suspension at multa bunsod ng ‘unsporstmanlike act’ sa kontrobersyal na laro ng ARQ at Siquijor, sa naitumpok na 20 puntos.

Haharapin naman ng No.4 seed Tabogon Voyagers ang fifth-seed, Dumaguete Warriors ngayong Sabado ganap na 7:00 ng gabi.

Ang magwawagi sa naturang laro ay magtutuos sa winner-take-all game sa Linggo (Mayo 2) para malaman kung sino ang hahamon sa KCS Computer Specialist-Mandaue sa Martes.

Iskor:

(Unang Laro)

KCS-Mandaue (78)—Exciminiano 16, Cachuela 9, Mercader 9, Nalos 7, Mendoza 7, Bongaciso 6 Castro 5, Delator 5, Soliva 4, Sorela 4, Roncal 2, Bregondo 2, Tamsi 2.

Dumaguete (50)—Regalado 11, Tomilloso 11, Velasquez 7, Gonzalgo 5, Gabas 5, Doligon 5, Mantilla 4, Porlares 2, Aguilar 0.

Quarterscores: 16-8, 37-20, 56-37, 78-50

(Ikalawang Laro)

ARQ Lapu-Lapu (101 )—Senining 20, Juntilla 17, Arong M. 10, Ochea 9, Berame 7, Galvez 7, Abad 7, Lusdoc 7, Mondragon 6, Tangkay 4, Igot 4, Regero 2, Solis 1, Cañada 0.

Tubigon Bohol (67)—Marquez 19, Llagas 11, Casera 8, Ibarra 7, Tilos 6, Musngi 6, Dadjilul 6, Tangunan 2, Leonida 2, Apolonias 0.

Quarterscores: 20-21, 41-25, 80-53, 101-67