SUMUKO si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson sa Maynila noong 2019.
Nabatid na boluntaryong inabisuhan ni Cam ang mga awtoridad na susuko siya matapos na isyuhan ng warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court Branch 42.
Nanindigan din si Cam na inosente siya sa kasong ibinibintang laban sa kanya at tiniyak na handa siyang harapin ang kaso sa korte.
Naniniwala rin si Cam na sa pamamagitan lamang ng court trial niya mapapatunayan na wala siyang kinalaman sa kasong pagpatay kay Yuson.
Nilinaw rin ni Cam na hindi siya nagtatago subalit bago pa man ang inisyung arrest warrant ni Manila RTC Judge Dinnah Aguila-Topacio ay may dalawang linggo na itong naka-confine sa isang ospital sa Cavite dahil sa kanyang sakit sa kidney at diabetes.
Sa katunayan aniya, sa susunod na Linggo ay nakatakda din itong sumailalim sa isang operasyon sa kanyang lumbar spine, ang sakit na may ilan taon na niyang iniinda.
Mula Enero hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon ay makailang beses din na naglabas-pasok sa ospital si Cam dahil sa kanyang karamdaman.
Ang lahat ng kanyang medical records ay naisumite na sa korte at sa PNP.
Matapos ang kanyang pinagdaraan sa kanyang kalusugan ay haharapin ni Cam ang nasabing kaso. Mary Ann Santiago