Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Handa na ang MJAS Zenith-Talisay City sa pakikipagtipan sa kasaysayan.

Hindi na pinaporma ng Talisay City ang karibal na ARQ Builders Lapu-Lapu tungo sa dominanteng 99-62 panalo nitong Huwebes at kompletuhin ang 10-game double-round sweep sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup - Visayas Leg sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Nasungkit ng Talisay City ang 10-0 marka sa double-round elimination sa six-team field ng kauna-unahang professional basketball league sa South at awtomatikong umusad sa best-of-three Finals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Batay sa format sa sandaling magkaroon ng sweep, ang nalalabing limang koponan ay maghaharap sa stepladder quarterfinal format para sa nakatayang isang slots sa championship round.

Sa naturang format, ang No.2 squad matapos ang elimination ay awtomatikong uusad sa semifinals kung saan tangan nila ang twice-to-beat advantage, habang ang No.3 hanggang No.6 seed ay magtutuos sa knockout games kung saan ang malalabing koponan ang siyang lalaban sa No.2 squad.

"Malaking bagay sa amin na makuha namin yung sweep para makapahinga kami," pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante. "Siguro masasabi ko lang is all of this is because of the players. They deserve to rest."

Pinangunahan ng beteranong si Patrick Cabahug ang Aquastars sa maigting na first period scoring run para maitarak ang 24-9 bentahe. Mula rito, hindi na nagawang makalapit ang Heroes na bumagsak sa 4-5 karta.

Tumapos si Cabahug na may 22 puntos, tampok ang limang triples, habang kumamada si Kevin Villafranca ng 12 puntos, limang board at dalawang assists. Nag-ambag si Darrell Menina ng 11 puntos, apat na boards, limang assists at dalawang steals, at tumipa si Allan Santos ng 10 puntos at siyam na rebounds.

Nanguna sa ARQ si Ferdinand Lusdoc na may 12 puntos, habang kumasa sina Jojo Tangkay at Chris Regero ng tig-10 puntos.

Isasara ng ARQ ang kampanya sa elimination laban sa Tubigon Bohol ganap na 7:00 ng gabi sa Biyernes.

Iskor:

MJAS-Talisay (99) — Cabahug 22, Villafranca 12, Menina 11, Santos 10, Eguilos 9, Gimpayan 8, Jamon 8, Hubalde 6, Acuña 6, Mojica 5, Moralde 2, Casajeros 0, Alvarez 0, Dela Cerna.

ARQ Lapu-Lapu (62) — Lusdoc 12, Tangkay 10, Regero 10, M. Arong 5, Ochea 4, Abad 4, Senining 4, Juntilla 4, Berame 3, Galvez 2, Mondragon 2, Igot 2, Solis 0, F. Arong 0

Quarterscores: 24-9, 41-26, 69-51, 99-62