ni BERT DE GUZMAN

Sinabi nina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Anakalusugan Rep. Mike Defensor na hindi sila mapipigilan ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA) sa pamamahagi ng Ivermectin sa mga tao laban sa coronavirus disease 2019.

Ito’y sa kabila ng mga babala mula World Health Organization, DOH, FDA at iba pang medical societies na wala pang sapat na ebidensiya para gamitin ang Ivermectin bilang gamot sa coronavirus, itutuloy pa rin ng dalawang kongresista ang pamumudmod ng Ivermection sa mga taga-Quezon City.

Ang Ivermectin ay gamot para sa hayop, isang anti-parasitic drug, na mabisa sa mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Simula ngayon, Huwebes, itutuloy nila ang inisyatiba at pamamahagi ng Ivermectin sa "poorest of the poor" sa pamamagitan ng pagbibigay ng tig-tatlong tableta sa bawat indibiduwal.

Anila, tutulungan sila ng mga doktor, partikular ng mga kasapi ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCP), na nagsusulong sa paggamit ng Ivermectin para sa COVID-19 kahit wala pang sapat na ebidensiya na ito ay puwede rin sa tao.