ni MARY ANN SANTIAGO

Hindi na nagawa pang makalabas ng mag-ina sa kanilang nasusunog na bahay sa Sta. Cruz, Manila, nitong Miyerkules ng umaga.

Binawian ng buhay sa sunog ang biktima na si Frencelyn Batol de Leon, 35, at ang anim na taong gulang nitong anak, kapwa residente ng 2012 Elias St., ng nasabing lugar.

Sugatan at nilalapatan naman ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang ama ng tahanan na si Jonel Mandap, 36, matapos na magtamo ng second degree burns sa katawan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

metro news
Naghihinagpis ang kamag-anak ng mag-ina na namatay matapos makulong sa kanilang nasusunog na bahay sa Elias Street, Sta. Cruz, Manila, nitong Miyerkules, Abril 28. KUHA NI ALI VICOY

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 6:13 ng umaga, nang sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na tahanan na inookupahan ng mga biktima at pagma-may-ari ng isang Luz de Vera.

Sa pahayag ng ilang saksi, nagulat na lamang sila nang makarinig ng pagsabog mula sa bahay ng mag-anak bago tuluyang sumiklab ang apoy.

Maya-maya pa ay nakita umano nila ang mag-ina na kumakaway at humihingi ng tulong sa bintana.

Sinasabing hindi umano nakalabas ng bahay ang mag-ina dahil ang kanilang bintana ay may mga rehas at hindi na nila nabuksan ang fire exit.

Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero dakong 6:55 ng umaga.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P100,000 ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy.

Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente para matukoy kung ano ang pinag-umpisahan ng apoy.