ni BERT DE GUZMAN

Para sa mga mambabatas, partikular ng mga senador, hindi sapat ang "gag order" o pagbabawal kina Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at Communications Usec. Lorraine Badoy, mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na manahimik tungkol sa isyu ng community pantry na ni-red tag nila bilang makiling sa kilusang komunista. Dapat silang sipain sa puwesto.

Ang kautusan sa "gag order" ay inisyu ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. matapos magalit ang mga senador nang akusahan ni Parlade ang mga ito bilang "estupido" sa pagsasabatas ng P16.5 bilyong pondo ng Task Force, pero sila rin naman ang naghahangad na buwagin ang NTC-ELCAC at alisan ng budget.

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na si Parlade ang "root cause" kung bakit umiiral ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino bunsod umano ng kanyang "walang batayang mga alegasyon." Kahit aniyang walang gag order, rerepasuhin pa rin nila ang budget ng NTF-ELCAC, at isusulong ang pag-aalis ng pondo ng ahensiya dahil nawalan na sila ng tiwala sa mga opisyal nito, laluna kay Parlade.

Para naman kay Sen. Francis Pangilinan, kinakatawan ni Parlade ang isang "masamang ehemplo" para sa mga junior officer kung kaya dapat disiplinahin siya ng liderato ng AFP.

Sa panig ng mga kongresista, plano nila na i-realign sa ibang mga proyekto at programa ng administration ang malaking budget ng task force (NTF-ELCAC). Ibibigay na lang ang malaking bahagi ng pondo para sa ayuda ng milyun-milyong Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Patuloy na nagtatanong ang mga mamamayan kung totoo ang sinasabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kaibigan ng Pilipinas ang China. Ang katanungan ay bunsod ng patuloy na pagdaong ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef at ang pagharang nila sa mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa dagat na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa kabila ng sunud-sunod na diplomatic protests ng ating bansa laban sa China, parang hindi ito pinakikinggan ng bansa ni Xi Jinping na itinuturing ng ating Pangulo bilang kanyang kaibigan. Kung talagang BFF ni Mano Digong si Pres. Xi, aba dapat ay atasan niya ang mga barko na lisanin na ang Julian Felipe Reef at iba pang isla at reef na saklaw ng PH EEZ.

Maraming bansa, kabilang na ngayon ang European Union (EU), ang nagpahayag ng pagkabahala sa agresibong pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea (WPS).

Handa ang mga bansa na tulungan ang Pinas sa pag-angkin sa mga teritoryo nito, pero patuloy sa pagsasawalang kibo ang Pangulo dahil ayaw niyang masira umano ang magandang ugnayan at pagkakaibigan ng China at Pilipinas. Well, talaga bang kaibigan natin ang China?