ni FER TABOY

Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na isang suspek sa 2009 Maguindanao massacre ang naaresto.

Ang suspek ay kinilalang si Andami Singkala alyas Yamani Baga Dimaukom, ng Sitio Masalay, Barangay Salman, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Provincial Police Office (MPPO) Director Brig. Gen. Donald Madamba, naaresto nila si Singkala sa tulong ng PNP-CIDG at militar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinapurihan ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, PTFoMS co-chair, ang pagkahuli ng PNP kay Singkala.

Ayon kay Andanar, determinado ang pamahalaan na mahuli ang iba pang suspek sa masaker upang mapanagot sa kanilang kasalanan.

Sinabi rin ni PTFoMS executive director Undersecretary Joel Sy Egco, hindi titigil ang task force sa kampanya nitong mabigyang hustisya ang mga nabiktima ng Maguindanao massacre.

May 28 katao na ang nahatulan ng 40 taon na pagkakulong, kabilang sina Andal Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at iba pa, pati mga pulis habang ang iba ay pinatawan ng 15 taong pagkakabilanggo.

Matatandaan na 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, ang brutal na pinatay sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 2009.