ni BERT DE GUZMAN

Si Davao City Mayor Sara Duterte ang gusto ng mga tinanong sa isang poll survey na iboboto nila sa pagka-pangulo samantalang si Manila Mayor Isko Moreno ang ihahalal nila bilang pangalawang pangulo sa gaganaping halalan sa Mayo 2022. Kung pagsasamahin ito, lilitaw na ito ay SAMO (Sara-Moreno)

Ito ay kung maniniwala kayo sa ginawang survey ng Pulse Asia sa 2,400 respondents noong Pebrero 22-Marso 23 sa Ulat sa Bayan noong Pebrero 2021.

Nangunguna si Inday Sara, anak ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), sa hanay ng 13 potential candidates para sa panguluhan, sumusunod si dating Sen. Ferdinand Marcos Jr. (13 percent), Sen. Grace Poe at Moreno (12 percent) at Sen. Manny Pacquiao (11 percent).

Nasa likuran nila si Vice President Leni Robredo (seven percent), Sen. Bong Go (five percent), dating vice president Jejomar Binay (three percent), Sen. Panfilo Lacson at dating House speaker Alan Peter Cayetano (two percent) at Sen. Richard Gordon (one percent).

Sina dating defense secretary Gilbert Teodoro at retired Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio ay nagtamo ng wala pang isang porsiyento.

Sa nasabing survey, lumitaw na si Moreno ang most preferred ng mga kinapanayam bilang pangalawang pangulo na may 16 porsiyento, kasunod sina Pacquiao at Duterte na may tig-15 porsiyento.

Sinundan sila nina Senate President Vicente Sotto III at Marcos (11 percent), Go (nine percent), Cayetano at Sorsogon Gov. Francis Escudero (seven percent) at Public Works Secretary Mark Villar at Sen. Sonny Angara (three percent).

Si Human rights lawyer Jose Manuel Diokno ay nagtamo ng isang porsiyento samantalang si Teordoro ay nagkaroon ng 0.5 porsiyento. Ang Pulse Asia survey ay may margin of error na +/- two percent sa 95 percent confidence level.

Ang mga respondents ay tinanong na pumili sa listahan na ibinigay sa kanila kung sino ang kanilang iboboto sa petsa o araw na ginawa ang survey. Pinayagan din silang bumanggit o pumili ng ibang tao na hindi nakasama sa listahan.

Tinanong din ang mga respondent na pumili ng hanggang 12 indibidwal na nais nilang iboto sa pagka-senador. Si Pacquiao na puwede pang tumakbo sa second term ang nangunguna sa pagkakaroon ng 58.9 percent, kasunod ni Moreno (53 percent), broadcaster Raffy Tulfo (48.1 percent), Duterte (47.5 percent), Escudero (46.6 percent) at deputy speaker at senador Loren Legarda (46.2 percent).

Sumunod sa kanila sina Cayetano (44.4 percent), Marcos, (40.7 percent), Lacson (38.1 percent), Sen. Juan Miguel Zubiri (38.1 percent), television host Willie Revillame (34.3 percent) at dating Senador Jinggoy Estrada (30.1 percent).

Kabilang naman sa nasa labas ng tinatawag na “Magic 12” pero saklaw ng margin of error ay sina Sen. Sherwin Gatchalian (28.1 percent), Binay (27.1 percent) at Sen. Francis Pangilinan (26.9 percent).

Nasa likuran sina Gordon (26 percent), Sen. Risa Hontiveros (23.9 percent), dating Sen. JV Ejercito (22.7 percent), Rep. Vilma Santos-Recto (22.6 percent), dating interior secterary Mar Roxas (21.6 percent), doctor Willie Ong (19.5 percent), dating Sen. Bam Aquino (19.5 percent), Villar (18.5 percent) at Sen. Joel Villanueva (18.4 percent).

Halos isang taon na lang at halalan na naman sa 2022. Sa ganitong kaagang panahon, nagpalabas na ang Pulse Asia ng kanilang survey. Kailan naman kaya magpapalabas ng survey ang Social Weather Station (SWS). Tiyakin sana ng dalawang poll survey na hindi sila nababayaran o namamanipula ng mga pulitiko para paniwalaan sila ng mga tao.