INAPRUBAHAN ng Games and Amusements Board (GAB) ang magkasamang kahilingan ng Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans na makapagsagawa ng ‘bubble’ training camp sa St. Paul American School sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Nauna nang idineklara ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang Pampanga sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Sa sulat ng Creamline at Choco Mucho, ipinakiusap nila sa GAB ang ‘bubble’ training bilang bahagi ng paghahanda sa kanilang pagsabak sa Premier Volleyball League (PVL) – ang kauna-unahang professional indoor volleyball league sa bansa – na nakatakdang magbukas sa unang linggo ng Hunyo.

"Considering the alarming spike in the number of Covid-19 cases, I am happy to learn that two teams of PVL have decided to stage their conditioning inside a bubble. This move is really an added safety measure, '' pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang ang PVL sa mga sports events at activities na nabinbin matapos muling ideklara sa buong Kamaynilaan ang karatig lalawigan ang pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) bunsod nang mataas na bilang ng kaso ng COVID-19.

"We gave them the initial approval to conduct conditioning in some areas in Metro Manila last March. But in order to ensure the safety of our professional athletes and sports officials, we decided to recall our initial approval," sambit ni Mitra.

Iginiit ng GAB na puwede nang magsimula ang bubble training sa April 27.