ni LIGHT A. NOLASCO

Patay ang isang hinihinalang drug pusher matapos umanong manlaban sa mga tauhan ng City Police Drug Enforcement Unit sa buy-bust operation sa Purok Amihan, Barangay Barrera, Cabanatuan City, nitong Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ni PLt. Col. Barnard Danie Dasugo, city police chief, ang napaslang na si Chrisford Mendoza, nasa hustong gulang, residente ng Bgy. Dimasalang ng lungsod. Tumanggi umano siyang paaresto sa operatives, at sa halip ay nanlaban hanggang sa masawi sa pakikipagbarilan sa mga pulis dakong 2:30 ng umaga sa nasabing lugar.

Sa pagsisiyasat ni PCpl. Cristo Rey Buan, may hawak ng kaso, nakaamoy ang suspek na undercover agent ang katransaksyon, kaya agad na bumunot ng baril at pinaputukan ang policeman poseur buyer na nagmintis naman.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Gumanti ng putok ang back-up team ng SDEU na nagresulta sa pagkasawi ng suspek, na kabilang sa drug personality watchlist ng CCPS.

Nakumpiska mula sa napatay na pusher ang isang homemade cal. 45 pistol, 2-plastic sachet ng shabu, isang sling bag, at motorsiklo na walang plaka.

Narekober din ng SOCO team sa crime scene ang mga basyo ng bala mula sa cal 9mm pistol at cal. 45 pistol.