Ni Edwin Rollon
IGINIIT ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na mananatili ang ‘commitment’ ng ahensiya kay Tokyo Olympic-bound boxer Eumir Marcial hangga’t opisyal siyang miyembro ng Philippine Team.
Ayon kay Ramirez, kabilang si Marcial sa programa ng ahensiya bago pa man ito nagdesisyon na maging professional fighter at walang nakikitang problema dito ang PSC.
Naisaayos na umano ang isyu matapos ang masinsin na pakikipag-usap ni Marcial sa PSC.
“We immediately called his attention,”pahayag ni Ramirez nitong Lunes sa virtual media conference via Zoom.
Maging ang kasalukuyang katayuan ni Marcial sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan kabilang siya sa ‘enlisted officer’ ng Army ay naisaayos na at mananatili ang lahat.
Naging isyu ang katayuan ni Marcial sa PSC – naglalaan ng buwanang allowances sa mga amateur athletes at nagbibigay ng ponod sa kanilang paglaban sa abroad – nang lumagda ng kontrata ang 28-anyos World Champion sa Pacman Promotion sa nakalipas na taon. Matagumpay ang por debut niya sa Los Angeles.
Nakatakda ang Olympics sa Hulyo.
“ABAP is willing to give Eumir Marcial the necessary support. As long as ABAP will endorse it, and the (PSC) board will approve it, I think there is no problem with the support,” sambit ni PSC Acting Executive Director Atty. Guillermo Iroy, Jr.
“We had a precedent in the last SEA Games. Charlie Suarez was endorsed by ABAP and was included in the assistance given by the PSC. His allowances were continually being given to him,” aniya.