ni MARY ANN SANTIAGO
Tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto na handa ang lungsod na mag-operate ng 17 pang COVID-19 vaccination sites sa sandaling dumating na sa bansa ang mas marami pang bakuna laban sa virus.
Ayon kay Sotto, kaya pa nilang magbukas ng 10 pang vaccination sites ngunit hindi lamang aniya nila ito mabuksan pa sa ngayon dahil wala pa namang suplay ng COVID-19 vaccines.
Nitong Lunes ay binuksan na ng Pasig ang ikapitong COVID-19 vaccination site nila, na matatagpuan sa The Medical City.
“Kaya pa natin magbukas ng 10 pang site. Ang problema, bakit tayo magbubukas ng 10 sites e konti pa lang naman yung supply ng bakuna?” ani Sotto sa kanyang live video sa social media.
“It doesn't make sense [kung] magbubukas tayo ng 17 vaccination sites... pero yung bakuna natin ilang libo lang, tatlong araw, ubos na 'yun,” dagdag niya.
Ang pagbabakuna sa Pasig City ay sinimulan noong Marso sa mga health workers, at isinunod ang senior citizens at persons with comorbidities.
Nitong Abril 25, inianunsiyo ni Sotto na naabot na nila ang 30,000 mark para sa 1st dose vaccinations.
Sa senior citizens, nasa 14% na ang nabigyan ng unang dose ng bakuna.
Ang hawak nilang bakuna ay inaasahang mauubos sa loob ng dalawang linggo kaya’t hindi na muna sila magbubukas ng bagong vaccination site, anang alkalde.