Ang sabayang pagtataas ng watawat sa lahat ng lokal na pamahalaan ang tampok sa pagdiriwang ng ika-500 o quincentennial anniversary ng tagumpay ni Datu Lapulapu laban kay Magellan sa labanan sa Mactan ngayong araw, Abril 27. Kinikilala bilang unang Pilipinong bayani, ang kanyang imahe ay nasa tsapa ng bawat miyembro ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Nakasagupa ni Lapulapu si Magellan sa baybayin ng isla ng Mactan nang makarating dito ang expedisyon ng Espanya na pinanamunuan ng Portuguese na manlalayag matapos ang selebrasyon ng unang misa sa isla ng Limasawa, ngayon ay bahagi ng Maasin, Leyte.
Noong Hunyo 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang batas ang Republic Act 11040 na nagdedeklara sa Abril 27 bilang Araw ni Lapulapu (Lapulapu Day) at gawin itong non-working holiday sa Lapulapu City at special working holiday para sa buong bansa. Pinuri ni Senador Richard Gordon, pangunahing may akda ng batas, si Lapulapu bilang inspirasyon sa linya ng Pambasang Awit ng Pilipinas, “sa manlulupig, di ka pasisiil.” Hindi tulad nina Rajah Humabon ng Cebu at iba pang datu, tumanggi si Lapulapu na kilalanin ang soberanya ng Espanya at hindi nagpabinyag sa Kristiyano.
"Lapulapu, a Visayan-Tausug, had strong principles and was a peaceful leader until invaded, possessing the qualities of courage, bravery, strength, honor, and integrity, which should be emulated by every Filipino. He was Asia's Sentinel of Freedom," ani Gordon.
Isang 40 talampakang rebulto ni Lapulapu ang itinayo sa isang 10 talampakang pedestal na idinisenyo ng iskultor na si Juan Sajid Imao, ang ngayong nakatindig sa Rizal Park. Sa paglalarawan ni Imao si Lapulapu ay hindi lamang isang mandirigma ngunit isang “strong and peace-loving man who is ready to defend himself against those who threaten his freedom.”
May 400 talampakang distansya ang rebulto ni Lapulapu at monumento ni Jose Rizal na kumakatawan sa higit 400 taon pagitan ng kanilang akto ng kabayanihan. Nabanggit din ni Gordon, na siyang kalihim ng turismo sa panahong itinayo ang monumento, na kinakatawan ni Lapulapu ang mga Muslim habang kinakatawan naman ni Jose Rizal ang mga Kristiyanong Tagalog sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang ika-500 taong anibersaryo ng pagwawagi ni Lapulapu ay ginugunita rin ng Bangko Sentral sa paglalabas nito ng isang bagong 5,000-peso banknote na naglalaman ng kanyang imahe.
Kasabay ng pagdiriwang nito ay ang paggunita rin sa ika-500 taon anibersaryo ng matagumpay na paglalayag paikot sa mundo. Sa kabalintunaan, ang pagkakapaslang ni Lapulapu kay Magellan ay nagbigay-daan upang humalili sa pamumuno si Sebastian Elcano at matagumpay niyang natapos ang paglalakbay matapos malampasan ang serye ng pag-aalsa at sakuna na pumilay sa ibang mga sasakyang-dagat sa paglalayag.
Gugunitain din ito ngayong Abril 27 sa pamamagitan ng pagpapailaw ng kulay asul bandang 6:00 ng hapon sa mga gusali ng gobyerno, monumento, at iba pang mga pampublikong lugar upang ipagdiwang ang maritime civilization ng bansa at ang ating mga sinaunang ninuno sa paglalayag.
Isa pang kaganapan, ay ang pagsasapangalan ng terminal building ng Mactan Cebu international airport kay Lapulapu. Ang unang mungkahi ay ipangalan ang mismong paliparan sa bayani tulad ng sa Manila international airport na opisyal na ipinangalan kay dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. na pinaslang sa tarmac noong Agosto 21, 1983.