ni MARY ANN SANTIAGO
Plano ng Department of Education (DepEd) na buksan sa Agosto 23 ang School Year (SY) 2021-2022.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, batay sa napag-usapan ng mga opisyal ng ahensiya, magtatapos ang SY 2020-2021 sa Hulyo 10 at kung walang pagbabago ay magbubukas ang susunod na pasukan sa Agosto 23.
Kung maisasakatuparan ito, magpapaigsi aniya ang bakasyon ng mga estudyante sa public school ng anim na linggo na lamang, mula sa dating walong linggo o dalawang buwan.
“Ang napag-usapan natin ay July 10 matatapos at kung hindi mabago, August 23 magbubukas [ang next school year]. So halos 6 na linggo 'yong break sa pagitan ng 2 school year,” ani San Antonio, sa isang panayam.
“Parang 2 weeks lang naman shorter [sa] dating 2 months kasi pandemya naman. Sana hindi na siya mahirap para sa marami.”
Kaugnay nito, sinabi ni San Antonio na naghahanda na rin ang DepEd para sa isang ideyal na senaryo sa susunod na school year, kung saan ang limited in-person classes ay magku-complement sa distance learning modalities.
Paliwanag niya, sa ilalim nito ay papayagan nila ang mga estudyante na magtungo sa paaralan paminsan-minsan.
Tiniyak naman niya pinaghahandaan na nila ang gagamiting istratehiya para rito.
Siniguro rin si San Antonio sa publiko na magiging mas responsive ang DepEd kung sakaling magpatuloy ang remote learning sa susunod na taon.
Pagtiyak pa ng opisyal, hindi na kasing hirap ng dati ang magiging pag-aaral ng mga bata dahil naayos na nila ang mga mali-maling resources at ang mga learning resources ay available na rin.
“Dahil may karanasan na rin sa pagsasagawa nito (distance learning) ngayong pasukan, makakagawa na rin ang mga kasamang guro natin at mga principal ng mas mainam na paraan para ang mga bata ay hindi masyadong mahirapan,” aniya pa.
Matatandaang ang klase sa mga public schools sa bansa ay karaniwang nagtatapos ng Abril at nagsisimula sa unang Lunes ng Hunyo ngunit dahil sa pandemya, Oktubre 5 na nang buksan ang SY 2020-2021.
Layunin nitong higit na mapaghandaan ang pagpapatupad ng distance learning dahil hindi pinapayagan ang face-to-face classes bunsod ng panganib na magkaroon ng hawahan ng COVID-19.
Ang SY 2020-2021 naman ay nakatakda sanang magtapos ng Hunyo 11 ngunit ipinagpaliban ito ng Hulyo 10 upang tugunan ang learning gaps ng mga mag-aaral.