Ni Edwin Rollon

ALCANTARA – Maagang sumingasing ang opensa ng KCS Computer Specialist-Mandaue City at hindi na binigyan ng pagkakataon ang Tubigon Bohol na makabawi tungo sa dominanteng 80-50 panalo nitong Martes sa Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup, sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Galing sa mapait na kabiguan nitong Sabado laban sa nangungunang MJAS Zenith-Talisay City, 73-81, ibinaling ng Mandaue City ang ngitngit sa Bohol para sa ika-anim na panalo sa walong laro at makasiguro ng puwesto sa semifinals ng kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ng Chooks-To-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB),

Hindi nakaalpas ang Bohol sa malapader na depensa ng KCS na naglimita sa karibal sa pinakamababang iskor mula nang maitala ang 53 puntos na kabiguan sa kanilang unang pagtatagpo, 53-86, nitong Abril 16.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si dating CESAFI MVP Shaq Imperial sa KCS sa naiskor na 15 puntos, pitong rebounds, isang assist, at dalawang steals, habang kumana si Gileant Delator ng 13 puntos at limang assists.

Nag-ambag si center Michole Solera ng 10 puntos, pitong rebounds, dalawang assists, isang steal, at isang block.

“That’s getting to be our identity as a team sa VisMin Cup, limiting our opponents and playing good defense. Kung hindi din ako nagkakamali, kami din ang nakapagbigay din ng lowest outpost of Talisay,” pahayag ni KCS head coach Mika Reyes.

“Thats what I said before, na we need to find out our identity as a team and that is playing great defense,” aniya.

Kumubra si Pari Llagas ng 18 puntos at 20 rebounds para sa Mariners na lagapak sa 1-7 karta para tuluyang lumabo ang tsansa na makausad sa susunod na round.

Target ng KCS-Mandaue na patibayin ang katayuan sa pakikipagtuos sa Tabogon ngayon ganap na 3:00 ng hapon, habang asam ng Tubigon na makabawi sa  Dumaguete ganap na 7:00 ng gabi.

Iskor:

KCS-Mandaue (80)—Imperial 15, Delator 13, Solera 10, Octobre 9, Castro 8, Roncal 8, Bongaciso 7, Mendoza 5, Mercader 3, Cachuela 2, Soliva 0.

Tubigon Bohol (50)—Llagas 18, Marquez 12, Ibarra 7, Cabizares 5, Dadjilul 3, Tangunan 2, Musngi 2, Casera 1, Tilos 0, Leonida 0.

Quarterscores: 22-15, 39-24, 56-32, 80-50.