TUMULAK patungo sa US si Filipina skateboarder Margie Didal para lumahok sa dalawang Tokyo Olympics qualifying competitions na magsisimula sa Iowa Dew Tour sa Mayo 7 hanggang 23 sa Des Moines.
Mula roon, sasabak naman ang Asian at Southeast Asian Games gold medalist, sa Rome, Italy para sa World Championship 2021, na malaki ang tsansa na ma-qualify agad sa Tokyo sa Hulyo kapag nanalo siya 0 mapasama sa podium.
“We wish Margie Didal well,” ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez sa isang online media briefing.
Ayon sa report, kahit mabigo ang 21-anyos na si Didal na makasama sa top three sa Rome, mananatili pa rin siyang may pag-asa para makalahok sa Olympic kapag napanatili niya o napabuti ang kanyang kasalukuyang world ranking ng No. 14 dahil ang top 20 ay kuwalipikado sa Tokyo.
Sa kasalukuyan, ang mga kwalipikado sa Tokyo Games ay sina gymnast Caloy Yulo, pole-vaulter EJ Obiena, boxers Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics mula Hulyo 23 hanggang Agosto 8. Bert de Guzman