ni BETH CAMIA
Absuwelto na ang 11 kalalakihan na isinasangkot sa pagkasawi ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang New Year Party sa Makati.
Ito ay matapos pinal nang ibasura ng Makati Prosecutor’s Office ang mga kasong rape at homicide laban sa 11 kalalakihang isinasangkot sa pagkasawi ni Dacera.
Sa inilabas na 19 pahinang resolusyon na may petsyang Abril 23, 2021, sinabi ni Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na ang mga ebidensyang iprinisinta ay “insufficient to engender a well-founded belief that rape, homicide or rape with homicide has been committed”.
Nakapaloob sa resolusyon na ang reklamong rape at homicide laban kina John Pascual Dela Serna III, Romel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo De Guzman, Jezreel Rapinan, Alain D. Chen, Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan, at Eduard Pangilinan ay “dismissed for lack of probable cause”.
Inaprubahan na nina Deputy City Prosecutor Henry Salazar at City Prosecutor Dindo Venturaza ang desisyon na nagtapos ang preliminary investigation nitong Pebrero 18.
Nitong Marso, nang ihabla ng National Bureau of Investigation (NBI) ang iba pang criminal charges bukod sa rape at homicide sa mga kalalakihang nakasama ni Dacera sa City Garden Grand Hotel nang siya ay namatay.
Isinampa ng NBI ang paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, laban kay Rosales dahil sa umano’y pagdadala ng droga, kasama si Galido na nagpamahagi umano nito.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide naman ang isinampa kina Dela Serna III, Rapinan, Chen, at Delima sa umano’y pagpapabaya kay Dacera.
Sa imbestigasyon ng NBI, walang nakitang pruweba ng abrasion sa genitalia ni Dacera, na nauna na ring ipinahayag ng forensic experts.