ni ZALDY COMANDA

SADANGA, Mountain Province – Apat na estudyante mula sa Marikina City ang nadakip habang ibinibiyahe ang P990,000 halaga ng pinatuyong marijuana bricks, sa checkpoint ng magkasanib na tauhan ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nitong gabi ng Abril 26.

Nabatid kay PDEA Regional Director Gil Cesar Castro, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen na may magbibiyahe ng marijuana na lulan ng itim na Toyota Avanza wagon type na may conduction sticker No. P8S390, mula sa Kalinga, padaan ng Mountain Province-Baguio City patungong Metro Manila.

Ayon kay Castro, naglatag ng police checkpoint sa Sitio Ampawilen, Poblacion, Sadanga, Mountain Province at hinarang ang sasakyan dakog 11:00 ng gabi ng Lunes.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Lulan ng sasakyan ang apat na kalalakihan na nakilalang sina Dan Mark Roa Delos Reyes, 21; Lorence Bautista Ignacio, 21; Vince Marwie Cruz Robles, 21 at John Cesar Padilla, 20, pawang residente ng Barangay Parang, Marikina City.

Nakuha sa kanilang sasakyan ang walong bricks ng dried marijuana; dalawang maliit na ball shape ng marijuana at isang tubular form ng marijuna fruiting tops, na may kabuuang timbang na 8,250 gramo at nagkakahalaga ng P990,000.

Noong Biyernes, dalawang lokal na turista mula sa Sta. Mesa, Manila ang naharang din sa magkaparehong lugar, matapos tangkaing ipuslit ang P3 milyong halaga ng dried marijuana bricks na lulan ng itim na Toyota sedan.

Nakilala ang mga suspek na sina Louigie Erguiza Param at Bernard Hope Poyaoan Bravo II, kapwa 22 taong gulang, at nakatira sa Sta. Mesa, Manila.