ni BETH CAMIA
Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala pang pinal na desisyon hinggil sa naging hirit ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello na paikliin ang araw ng quarantine ng mga Overseas Filipino Worker sa mga hotel at isolation facilities.
Ito’y sa halip na isagad hanggang 14 na araw ay gawin na lamang na 10 araw para sa mga OFW na wala namang sintomas ng sakit.
Sinabi ni Roque na pag-uusapan pa sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang naturang mungkahi na ginawa sa gitna ng isyu sa malapit na ring maubos ng Overseas Workers Welfare Administration ang budget para sa quarantine hotel facilities nito.
Ayon kay Roque, nasa P1.4 bilyon na lamang ang natitirang budget ng OWWA hanggang nitong Abril 16.