ni BERT DE GUZMAN

Naniniwala si Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi maaaring gamitin ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States para itaboy o gamitan ng puwersa ang mga barko ng China sa West Philippine Sea (SEA).

Ang pahayag ay ginawa ni Lorenzana matapos sabihin umano ni PH Ambassador to US Jose Manuel Romualdez na naghihintay lang ang alyadong US na humingi ng tulong ang bansa laban sa China.

Nilinaw ng Defense chief na ang US batay sa MDT ay maaari lang tumulong o ipagtanggol ang ‘Pinas kapag ito ay inatake batay sa diwa o intensiyon ng tratado. Ayon sa kanya, hindi isinasaad sa treaty na puwedeng humingi ng tulong ang PH sa US para harapin o puwersahin ang China na alisin ang kanilang mga barko na nakadaong sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kung ganoon, komento ng ilang netizen at ng publiko, ano ang gagawin ng gobyerno ng Pilipinas? Tutunganga na lang at magsasawalang-kibo dahil takot sa China? O matutulog na lang ang mga lider natin sa kulambo at babalewalain ang ginagawang pag-abuso at pag-okupa ng dambuhala sa teritoryo ng pipitsuging bansa?

Inatasan ni Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo ang lahat ng parish priests na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Manila Archdiocese na i-dedicate ang Mayo 8 bilang araw ng panalangin para sa mga namatay sanhi ng COVID-19.

Sa isang pastoral letter, sinabi ni Pabillo na lahat ng parokya at relihiyosong-pamayanan ay magkakaroon ng banal na oras sa harap ng banal na sakramento upang suubin ng mga dasal ang Kalangitan para sa frontliners sa Mayo 5, para sa mga may sakit sa Mayo 6, at para sa mga yumao sa Mayo 7.

Ayon sa obispo, lahat ng pari ng Manila Archdiocese ay magtitipun-tipon para sa isang misa sa Mayo 8 ganap na alas-9 ng umaga upang makidalamhati sa libu-libong namatay sapul nang sumulpot ang pandemya noong nakaraang taon.

"Naniniwala tayo na makapangyarihan ang Diyos at minamahal Niya tayo kung kaya sumasandig tayo sa kanya nang buong pagtitiwala," ani Pabillo. Magkapit-kamay, mag-isang tinig at mag-isang puso sa pananalangin at kawanggawa, at hilingin sa Diyos ang Kanyang tulong habang tayo ay nagtutulungan din, ayon sa obispo.

Noong Huwebes, may ilang kolumnista sa English ang nagtatanong kung isinurender na (virtual surrender) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa higanteng China ang West Philippine Sea o mga bahagi nito kahit wala namang agresibong aksiyon ang nasyon ni Xi Jinping?

Binanggit nila ang pahayag ni PRRD sa kanyang "Talk to People" noong gabi ng Lunes na dahil nasa "constructive possession" na ng Tsina ang WPS, kontrolado na nang husto ang lugar, wala nang magagawa ang Pilipinas o ano mang puwersa sa ibabaw ng lupa, upang itaboy ang mga barko maliban kung tayo ay makikipaggiyera.

Sabi ng dalawa kong kaibigan na mahilig uminom ng kape: "Bakit lagi niyang sinasabi ang giyera eh wala naman tayong balak na makipaggiyera sa dambuhala? Ang Vietnam at Indonesia ay nakikipagtitigan sa China at itinataboy ang mga Chinese vessel na pumapalaot sa kanilang dagat, pero hindi naman naghahamon ito ng digmaan. Hayan, alam ng higante na takot ang Pinas kaya minamaliit tayo at laging tinatakot!"