ni MARY ANN SANTIAGO

Hindi pa nade-detect sa Pilipinas ang tinatawag na Indian variant ng COVID-19, ayon sa Department of Health.

Pagbabahagi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nirebyu na nila ang lahat ng kanilang rekord at wala pa silang natukoy na ganitong variant ng coronavirus sa bansa.

“Dito po sa atin sa Pilipinas, we reviewed all of our records. Pinaaral din natin sa Philippine Genome Center (PGC). We have not detected yet this kind of variant across the 5,000 na na-sequence na po natin na mga specimen dito sa bansa,” ani Vergeire, sa isang virtual briefing.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nabatid na ang bagong variant ng virus ay natukoy sa India at lumikha ng headlines dahil sa paglaki ng mga kaso nito doon.

Natukoy na rin ito sa ibang mga bansa, gaya ng Estados Unidos, Australia, Israel, Switzerland, at Singapore.

Ang naturang virus ay tinaguriang “double mutant” dahil sa presensiya ng dalawang mutations sa spike protein nito, na nagpapahintulot dito upang mabilis na makapasok sa katawan ng tao at mas mabilis na dumami.

Sinabi naman ni Vergeire na ang naturang variant ay natukoy noong Oktubre 2020 at natuklasan na sa may anim na bansa.

“Pinag-aaralan ngayon ng Inter-Agency Task Force on COVID variants itong sinasabing Indian variant,” aniya. “Nagkaroon na rin tayo ng initial discussion with the Department of Foreign Affairs. They are just waiting for the recommendation of DOH together with our experts.”

Dagdag pa ni Vergeire, kaagad silang magpapalabas ng rekomendasyon sa IATF sa sandaling makatanggap ng impormasyon mula sa mga eksperto.

Sa kasalukuyan, mayroon nang naitalang UK variant, South Africa variant, Brazil variant at Philippine variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ang mga naturang variant ang sinasabing dahilan ng panibagong surge ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.