ni MARY ANN SANTIAGO
Umabot na sa mahigit isang milyong indibiduwal ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Batay sa COVID-19 case bulletin no. 408, na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00 ng hapon nitong Lunes, Abril 26, ay nasa 1,006,428 na ang kabuuang bilang nang dinapuan ng virus, matapos makapagtala pa 8,929 karagdagang kaso ngayong araw.
Gayunman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi dapat na tingnan ang bilang ng dinapuan ng virus, kundi ang bilang ng mga gumaling na sa karamdaman.
Anang DOH, nakapagtala sila ng 11,333 bagong nakarekober sa sakit kaya umabot na sa 914,952 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID-19 habang nasa 74,623 naman ang nananatili pang aktibong kaso.
Sa mga aktibong kaso, 95.4% ang mild, 1.4% ang asymptomatic, 1% ang kritikal, 1.3% ang severe at 0.87% ang moderate cases.
Nadagdagan din naman ng 70 ang bilang ng mga pumanaw sa karamdaman kaya’t umakyat na ito ngayon sa kabuuang 16,853.
Nabatid na may 23 duplikado ang inalis sa kabuuang bilang, kasama ang 18 na nakarekober.
Bilang karagdagan, mayroon namang isa ang nagnegatibo sa virus at tinanggal na rin sa kabuuang bilang.
May 27 kaso rin naman ang unang sinabi na nakarekober ngunti malaunan ay natuklasang binawian pala ng buhay, matapos ang pinal na balidasyon.
Iniulat rin naman ng DOH na may dalawang laboratory ang hindi operational noong Abril 24 habang siyam na laboratory ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).