ni MARIVIC AWITAN
Limang Filipino rowers ang sasabak sa karera para sa target na Olympic berth sa 2021 World Rowing Asian and Oceanian Olympic Qualification Regatta sa susunod na buwan sa Tokyo, Japan.
Gaganapin ang mga karera para sa Asia and Oceania Olympic qualifers sa Mayo 5-7 sa may Sea Forest Waterway sa Tokyo Bay, ang mismong venue ng Tokyo Olympics rowing competitions.
Ang tambalan nina Melcah Caballero at Joanie Delgaco na nagwagi ng gold medal sa women's lightweight double sculls event noong 2019 Southeast Asian Games ay makikipagsapalaran upang masungkit ang isa sa tatlong nakatayang Olympic slots sa kanilang division.
Makikipag-agawan naman ang tambalan nina Roque Abala Jr. at Zuriel Sumintac sa nakatayang tatlo ring Olympic tickets sa men's lightweight double sculls.
Mag-isa namang sasalang si 2019 SEA Games gold medalist Cris Nievarez sa men's lightweight singles sculls event kung saan may nakatayang limang Olympic slots.
Ayon kay national team coach Ed Maerina , nakapagsanay naman ng tuluy-tuloy ang mga Pinoy rowers anim na beses kada linggo sa mga nakalipas na buwan sa kabila ng mga paghihigpit na ipinatutupad ng gobyerno dulot ng COVID-19 pandemic sa La Mesa Dam kung saan sila nagsasanay at nanunuluyan sa ilalim ng superbisyon nila ng Uzbek mentor na si Shukhrat Ganiev.
Nitong nakaraang Pebrero, sumali sina Caballero at Delgaco sa virtual 2021 World Indoor Rowing Championships kung saan pumang-apat si Caballero sa women's 500m race habang pang sampu naman si Delgaco sa women's Under-23 500m race.
Determinado ang limang Pinoy rowers na mag qualify at makasunod sa yapak nina Maerina at Benjamin Tolentino bilang mga natatanging mga Filipino na nakalahok sa Summer Olympics rowing competitions.