ni BERT DE GUZMAN

Dahil sa isyu ng pagre-red-tagged sa mga community pantries ng spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), plano ng mga mambabatas na i-realign o ilipat sa ibang makabuluhang proyekto ng gobyerno ang P16.4 bilyong budget nito.

Isang key leader ng Kamara, ang nagmungkahi na ang P16.4 bilyong pondo na ipinagkaloob ng Kongreso sa NTF-ECLAC, ay ibigay sa libu-libong manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Deputy Speaker Mikee Romero na hindi kanais-nais ang ginagawang "red-tagging" ng mga tagapagsalita ng NTF-ECLAC sa mga organizer ng community pantry, partikular kay Ana Regina Non, na nagpasimula ng Maginhawa community pantry na ang layunin ay tulungan ang mga tao na kapos sa buhay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"The bulk of NF-ECLAC funds can be rechanneled to giving more direct and financial aid to unemployed workers displaced by the pandemic," pahayag ni Romero.

Hinimok niya ang iliderato ng Kapulungan na magsagawa ng inquiry o imbestigasyon hinggil dito bago magbukas ng sesyon ang Kongreso sa Mayo 17.

Aniya, nais nilang malaman mula sa mga opisyal ng NTF-ECLAC kung saan at papaano ginagamit ang pondo at kung bakit ang kanilang vilification tactics ay lalo lang nagpaparami sa mga tao para sumanib sa kilusang komunista.

Maging ang mga senador ay napikon sa pahayag ni Lt. Gen. Antonio Perlade Jr., NTF-ECLAC spokesman, na "estupido" ang mga senador sa balak nilang buwagin ang pondo ng task force. Kabilang dito sina Sen. Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Franklin Drilon at Francis Pangilinan.

Nais nilang magbitiw sina Parlade at PCOO Usec. Lorraine Badoy bilang mga tagapagsalita ng task force dahil sa pagre-red tag sa mga community pantry.

Samantala, iniutos na ng AFP at ni National Security adviser Hermogenes Esperon kina Parlade at Badoy na huwag nang magsalita tungkol sa isyu ng community pantry. Makabubuti aniya ang "gag order" sa dalawa para maiwasan ang ano mang gulo.