Ni Edwin Rollon
ALCANTARA — Naungusan ng MJAS Zenith-Talisay City, sa pangunguna ni Shane Menina na tumipa ng krusyal baskets sa final period, ang determinadong KCS Computer Specialist-Mandaue City, 81-73, Sabado ng gabi para manatiling imakulada sa second round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Visayas leg sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Hataw si Menina, dating pambato ng University of Cebu, sa naiskor na 28 puntos, tampok ang 25 sa second half para sandigan ang Talisay City matapos maghabol sa 40-47 may 4:47 ang nalalabi sa third period.
Naisalpak ni Menina ang dalawang triples, isang layup at naibigyan ng magandang pasa si Jaymar Gimpayan para tampukan ang 10-run ng Aquastars at agawin ang bentahe sa 50-47.
Mula rito, hindi na lumingon ang Aquastars ang tuluyang iniwan ang Mandaue para sa ikatlong sunod na panalo at ikawalo s akabuuan matapos walisin ang first round ng six-team double round elimination ng ligan a itinataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).
"Kilala naman nating lahat si Shane, puputok at puputok 'yan. It was only a matter of time," pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante.
Nauna rito, natuldukan ng ARQ Builders Lapu-Lapu ang losing skid nang pabagsakin ang Dumaguete, 76-62.
Sadsad sa magkasunod na kabiguan sa second round, kabilang ang dikitang 66-75 setback sa KCS-Mandaue Biyernes ng gabi, nakabawi ang Heroes, sa pangunguna ng mga beteranong sina Reed Juntilla, Dawn Ochea, atreserve forward Fletcher Galvez.
Nanguna si Juntilla sa ARQ sa naiskor na 14 puntos, apat na rebounds, at tatlong assists para mahila ang karta ng Heroes sa 4-4 para sa solong ikatlong puwesto.
Taliwas sa kanilang unang paghaharap nitong Abril 13 kung saan nadomina ng MJAS ang KCS, 77-57, makapigil-hininga ang sitwasyon sa ikalawang pagkakataon.
"This is a character-building win which is good for us heading sa last stretch ng tournament natin," sambit ni Morante.
Kumana sa Mandaue sina Shaq Imperial at Gileant Delator na tumipa ng 18 at 12 puntos.
Target ng MJAS-Talisay na makalapit sa isa pang sweep sa Martes sa pakikipagtuos sa Dumaguete (1-5) ganap na 7:00 ng gabi, habang mapapalaban ang KCS-Mandaue sa Tabogon (3-5) ganap na 3:00 ng hapon.
Iskor:
(Unang Laro)
Lapu-Lapu (76)—Juntilla 14, Ochea 13, Galvez 13, Abad 8, Berame 6, F. Arong 5, Minguito 4, Lusdoc 4, Regero 4, Tangkay 3, M. Arong 2, Solis 0, Mondragon 0, Igot 0.
Dumaguete (62)—Mantilla 18, Regalado 14, Doligon 4, Gabas 10, Velasquez 3, Roy 3, Monteclaro 0, Tomilloso 0, Gonzalgo 0, Porlares 0, Aguilar 0
Quarterscores: 24-13, 42-20, 61-39, 76-62.(Ikalawang Laro)
MJAS-Talisay (81)—Menina 28, Gimpayan 19, Mojica 6, Villafranca 6, Hubalde 5, Eguilos 4, Casajeros 4, Acuña 3, Santos 2, Cabahug 2, Jamon 2, Mabigat 0, Cuyos 0, Dela Cerna 0.
KCS-Mandaue (73)—Imperial 18, Delator 12, Octobre 9, Mendoza 8, Bongaciso 7, Mercader 5, Roncal 4, Solera 4, Castro 3, Cachuela 3, Soliva 0.
Quarterscores: 17-17, 36-39, 58-49, 81-73.