Ni BERT DE GUZMAN
Dahil sa patuloy na pagdami ng nawalan ng trabaho at pagsasara ng mga negosyo sanhi ng patuloy na pagdagsa ng COVID-19, maraming grupo kabilang ang isang obispong katoliko at Commission on Human Rights (CHR), ang nagpahayag ng suporta sa tinatawag na "community pantries" o kung tatagalugin ay puwedeng isalin bilang "Mga Paminggalan ng Komunidad".
Ang unang Paminggalan ng Komunidad (Community Pantry) ay pinasimulan ng isang kabataang babae sa neighborhood Quezon City noong nakaraang linggo. Siya ay ang 26-anyos na si Ana Patricia Non, na nagbigay-inspirasyon sa iba pang mga tao para magkaroon din ng community pantry sa kani-kanilang lugar.
Gayunman, noong Martes nang nakaraang linggo, inihayag ni Non na ititigil muna niyang pansamantala ang proyekto matapos na siya ay “i-red-tagged’’ ng pulisya. Ibig sabihin, posibleng kasapi o sympathizer siya ng Communist Party of the Philippines at ng New People's Army (CPP-NPA). May balita na muli niyang binuksan ang kanyang pantry para makatulong.
Sa puntong ito, hindi napigilan ng isang outspoken bishop na si Pablo Virgilio David ng Caloocan na mapabulalas at sumigaw ng: “Ibang CPP ito. Hindi ito Communist Party of the Philippines kundi Community Pantry of the Poor."
Ang pahayag ay ginawa ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David bilang reaksiyon sa mga balita na si Ana Patricia Non, ang 26-anyos na nasa likod ng Maginhawa Community Pantry, ay nababahala tungkol sa isang post sa official Facebook account ng Quezon City Police District (QCPD), na nagsaad na ang mga pantry umano ay sinusuportahan ng mga grupong may kaugnayan sa communist insurgency.
Bulalas ni Bishop David: “Hindi ito isang krimen kundi isang pagsisikap na tumulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan at kagipitan.” Dapat pa nga aniyang matuwa ang mga pinuno ng gobyerno sa ginagawa ni Non dahil magsisilbi itong isang modelo para sa mga mamamayan na nais makatulong sa kapwa-tao. Anyway, suportado ni QC Mayor Joy Belmonte si Non samantalang humingi na umano ng apology ang QC PNP.
Noong nakaraang Linggo, nakipag-partner ang obispo, outspoken critic ng Duterte administration, partikular sa madugong giyera ng Pangulo sa iligal na droga, sa grupong-kabataan ng Caloocan para magtayo ng isang Paminggalan sa Komunidad sa San Roque Cathedral.
Ayon kay David, ang "paminggalan" ay mananatiling bukas hanggang may mga taong handang magkaloob ng ano mang makakayanan para sa mga nangangailangan at nagugutom.
Sa panig naman ng CHR, kinondena nito ang aksiyon ng mga awtoridad hinggil sa proyekto ni Non na tumulong sa mga tao. Sa halip aniyang matuwa, pinagdududahan pa ng pulisya at ibang awtoridad ang adhikain ng community pantry.
Ganito ang pahayag ni CHR spokesperson JacquelinedeGuia: “Nakababahala na ang ganitong inisyatiba at ang iba pang community pantries na sumunod (sa ideya ni Non) ay pinagbabantaan ng profiling at surveillance ng lokal na law enforcement authorities."
Pinaalalahanan niya ang pulisya na ang pangungulekta ng mga data ng pribadong mamamayan nang walang consent ay maituturing na “encroachment of [their] right to privacy… and represents yet again an overreach of police power bereft of any statutory or legal basis.”
Samantala, sinabi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na walang nilalabag na batas o ordinansa ang mga tao na nagkakaloob ng libreng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa panahon ng pandemya.
Ayon sa grupo, ang pantries ay itinayo sa iba't ibang lugar sa bansa hindi upang kumita o magtubo ang mga organizers kundi magbigay-inspirasyon sa iba pang mga tao para tumulong dahil sa kakulangan ng tulong at suporta ng pamahalaan.
Sinabi ni NUPL president Edre Olalia na ang gawaing ito nina Non at iba pang tao ay karapatang konstitusyonal ng mga mamamayan at hindi dapat pakialaman at i-discourage ng gobyerno. “Back off. Leave the people in peace.”