ni MARY ANN SANTIAGO 

Iniulat ng Food and Drug Administration (FDA) na maliit na porsiyento lamang ng mga taong nakatanggap ng COVID-19 vaccine sa bansa ang nakaranas ng side effects ng bakuna.

Sa isang online forum nitong Biyernes, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na 2.45% lamang o 24,698 ng mahigit sa isang milyong indibiduwal na nabakunahan laban sa COVID-19 ang nag-report na nakaranas sila ng adverse event matapos ang immunization (AEFI).

Ayon kay Domingo, sa naturang bilang, 17,654 AEFI reports ang tumanggap ng AstraZeneca jab habang 7,044 naman ang tumanggap ng Coronavac ng Sinovac.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa naturang kabuuang bilang, 24,330 kaso ang non-serious o hindi seryoso, 344 ang serious reactions na hindi kinasangkutan ng pagkamatay, habang 24 kaso naman ang binawian ng buhay.

Para sa CoronaVac, mayroong 6,882 naiulat na non-serious AEFI at 152 na serious events, habang para sa AstraZeneca, mayroong 17,448 ulat ng non-serious at 192 serious cases.

Ayon sa mga eksperto, itinuturing na non-serious o pangkaraniwang epekto ng bakuna ang lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng vaccination site, pananakit ng kalamnan, at pagtaas ng blood pressure.

Ang mga serious AEFI naman ay yaong nangangailangang ma-admit sa pagamutan, o di kaya’y naging life threatening, nauwi sa pagkamatay o di kaya ay nagdulot ng kapansanan o birth defects at fetal malformations.

Paglilinaw naman ni Domingo, 19 sa 24 na namatay matapos na mabakunahan ay kinaklasipika ng National AEFI Committee bilang “coincidental” o hindi dulot ng COVID-19 vaccines.

Ang 11 aniya sa mga ito ay sanhi ng COVID-19 o may infected na ng virus bago mabakunahan habang walo ang dumanas ng heart attack o stroke na pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.

Tatlo naman ang namatay dahil sa infectious diseases at dalawa ang nakabinbin pa ang pagrebyu.

Nabatid din na 10 sa mga namatay ay tumanggap ng CoronaVac habang 14 naman ang naturukan ng AstraZeneca vaccine.

“Although nakakalungkot po na siyempre may nakita tayo na mga ganitong kaso, ang evaluation naman po natin is these [are] independent and most of them are not related to the vaccination and that definitely [in] vaccination, the benefits outweigh the risk,” paliwanag pa ni Domingo.

Kaugnay nito, nagpaalala si Domingo sa mga nabakunahan na maging maingat pa rin kahit nabakunahan na dahil aabutin pa aniya ng dalawa hanggang tatlong linggo matapos maiturok ang second dose ng bakuna bago ma-maximize ang proteksiyon nito.

“It takes at least two to three weeks after the second dose bago po talaga ma-maximize ang inyong protection kaya wag po tayong magpapabaya, mag-ingat pa rin po right after vaccination,” aniya.

Nabatid na hanggang nitong Abril 20, mahigit 1.5 milyong doses na ang naiturok nilang bakuna sa mga mamamayan.

Kabilang dito ang 1.3 milyong nabigyan ng first dose ng bakuna habang 209,456 naman ang nakakumpleto na ng bakuna o nabigyan na ng kanilang second dose.

Samantala, hanggang nitong Huwebes naman ng hapon, nakapagtala na ang bansa ng kabuuang 971,049 COVID-19 cases, kabilang ang 846,691 recoveries at 16,370 deaths, habang nasa 107,988 naman ang nananatili pa ring aktibong kaso.