ni BETH CAMIA
Sa layong mapabilis ang sistema, magpapatupad ng Debit-Credit Payment Method ang Philhealth sa lahat ng high and critical risk areas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, ito ay ibinatay sa ginawang pag-aapruba ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa nasabing hakbang.
Dito ipinakikita na hindi lamang ngayon sa NCR plus ipatutupad ang nabanggit na sistema kung di pati na sa lahat ng high risk at critical risk areas labas ng Metro Manila plus.
Sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method, mapabibilis nito ang pagsasaayos ng bayarin sa health care facilities ngayong nasa State of Public Health Emergency ang bansa.
Magugunitang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na ipatupad ang nabanggit na sistema noong kainitan ng pagkontra ng Private Hospital Association of the Philippines hinggil sa anila'y unsettle debts dahilan para magbawas ang ilang pagamutan ng kanilang manpower.
Giit ni Roque na sa pamamagitan ng nasabing payment method, matitiyak ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng healthcare services.