ni BERT DE GUZMAN
Aminado si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na nalungkot siya noong Lunes nang malaman ang mga usap-usapan na ilang retirado at aktibong opisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagpaplanong kumalas ng suporta sa kanya.
Ang ibinibigay na dahilan ay bunsod umano ng kawalang-kakayahan niyang pamahalaan ang pananalasa ng COVID-19 at ang pagsasawalang-kibo sa pagdaong ng 220 barko ng China sa Julian Felipe Reef na saklaw ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Malapit lang ang reef sa Bataraza, Palawan samantalang napakalayo nito sa China.
Ayon kay Mano Digong, handa siyang bumaba sa puwesto kung wala na ang suporta ng military sa kanya. “Talagang downhearted (malungkot) ako dahil inaasahan kong magtatrabaho ang military. I am here because I thought I could be of help to the nation, to the Philippines,” pahayag niya sa lingguhang public address na "Talk to the People.”
Ayon sa Pangulo, kung hindi sila makapagtatrabaho nang magkasama (military at PNP), marahil ay hindi sila makapagtatrabaho nang magkasama sa mas malalaking bagay. "What’s the point?”.
Sa command conference kasama ang mga opisyal ng AFP, may ibinigay na dokumento si Defense Secretary Delfin Lorenzana na aniya'y “puno ng kabalastugan”. Hindi binanggit ang mga detalye ng dokumento o kung sino ang nasa likod nito, pero sinabing isang Heneral ang sangkot dito.
Sinabihan niya ang mga pinuno ng AFP na kung ayaw na nila at ng PNP at sasabihin sa kanyang umalis na sa puwesto, siya ay magbibitiw at uuwi na lang sa Davao City. Marahil ay matutulog na lang siya nang tahimik sa loob ng kanyang kulambo.
Ayon kay PRRD, sinabihan niya ang AFP at PNP na kung hindi na siya kailangan, aalis na siya. “Then it’s up to you to explain to the Filipino people why it’s like that". Kung wala na raw kooperasyon ang Armed Forces, wala nang dahilan para magtrabaho pa sa gobyernong ito, wala na.
Inulit din niya sa publiko ang dahilan kung bakit pinili niyang hirangin ang mga retiradong military generals sa halip na mga sibilyan sa mga puwesto sa gobyerno. “Because if I rely on civilians, we’re dead. So if I want things, it’s really the military".
Samantala, iginiit ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi nababahala ang Pangulo sa mga ulat na ilang opisyal at tauhan ng military ang nag-uurong na ng kanilang suporta sa kanya.
Idinismis din niya ang mga report ng pagwi-withdraw ng suporta ng military kay PRRD bilang "hearsay" o tsismis lang. Para sa Department of National Defense (DND) at sa Armed Forces of the Philippines ang mga ito ay pawang “fake news".
Sabad ng dalawa kong kaibigan sa kapihan: "Di ba pag may usok, may sunog." Aba, ewan ko. Kasi may usok ng sigarilyo pero wala namang sunog. Dagdag nila: "Tama walang sunog sa usok ng sigarilyo, ngunit may apoy ito."