ALCANTARA — Walang humpay ang ratsada ng MJAS Zenith-Talisay City Aquastars.
Napanatili ng pre-tournament title favorite ang malinis na marka nang pataubin ang Tubigon Bohol, 97-65, nitong Huwebes sa pagsisimula ng second round ng Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Naisalba ng Aquastars ang malamyang simula at naghabol sa 24-35 sa second period, ngunit, sapat ang lakas at determinasyon ng Talisay City squad, sa pangunguna nina Val Acuña at Jaymar Gimpayan sa naibabang 11-0 run para agawin ang bentahe sa 48-41 sa kaagahan ng third period.
Hindi rin nagpahuli sina Patrick Jan Cabahug, Egie Boy Mojica, Shane Menina, at Kevin Villafranca para maitatag ang 66-47 kalamangan tungo sa huling sultada ng laro.
“Yes, we’re very concerned with our slow starts. I think two games na ‘to,” pahayag ni Cabahug, kabilang sa mahigpit na nakikibaka para sa leg MVP award. “So Coach [Aldrin Morante] told us not to be overconfident because it’s what’s causing us to start slow. He reminded us that all the teams here are capable of beating us.”
Sa kabuuan, nahigitan ng Talisay ang Bohol, 59-24, sa second half.
Halos pareho ang naging dominasyon ng MJAS sa Bohol sa kanilang unang paghaharap nitong Abril 9 sa iskor na 105-66. Tangan ng Talisay City ang malinis na 6-0 marka, habang nanatiling walang panalo ang Bohol sa anim na laro.
Nanguna si Acuña sa Aquastars na may 14 puntos, habang tumipa si Cabahug ng 13 puntos, tampok ang apat na three-pointers. Nag-ambag si Gimpayan ng 13 puntos at pitong rebounds.
Kumubra rin ang Talisay City’s frontcourt tulad nina center Jhaymo Eguilos na may 11 puntos, anim na boards, at dalawang blocks, habang tumipa si Villafranca, power forward mula sa University of San Jose-Recoletos, na may siyam na puntos, siyam na rebounds at dalawang assists.
Target ng MJAS-Talisay na mapanatiling markado sa pakikipagtuos sa Tabogon bukas ganap na 3:00 ng hapon.
Iskor:
Talisay (97)—Acuña 14, Gimpayan 13, Cabahug 13, Eguilos 11, Villafranca 9, dela Cerna 7, Menina 5, Mojica 5, Moralde 4, Santos 4, Casajeros 4, Hubalde 2, Ugsang 2, Cuyos 2, Jamon 2
Bohol (65)—Ibarra 16, Marquez 14, Llagas 13, Musngi 8, Dadjijul 6, Tilos 4, Cabizares 2, Casera 2, Leonida 0.
Quarterscores: 18-20, 38-41, 66-47, 97-65