Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Nasuspinde. Nakabawi. Humataw.

Sa pagkalinis ng imahe bunsod nangpagbawi sa maling suspension hingil sa kontrobersyal na laro laban sa Siquijor, kumasa si Monbert Arong sa kahanga-hangang laro para sandigan ang ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes laban sa Tubigon Bohol, 61-55, Miyerkoles ng gabi sa pagtatapos ng first round match sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Visayas leg sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Wala pang 24 oras matapos maglabas ng paumanhin ang liga hingil sa pagkakamali ng pagbibigay ng suspension kay Monbert imbes sa kaapelyidong si Franz, kumana ng kabuuang 15 puntos ang matikas na forward, tampok ang pitong sunod na puntos sa krusyal na sandali para sandigan ang Heroes sa ikatlong panalo sa limang laro sa six-team tournament.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Naagaw ng Heroes ang bentahe sa 56-55 nang maisalpak ni Arong ang three-pointer may 1:22 ang nalalabi sa laro. Nasundan ito ng layup mula sa magkasunod na mintis nina Mac Montilla at Joseph Marquez nago selyuhan ang panalo sa pahirapang tira para ilarga ang 60-55 bentahe ng ARQ may 17 segundo ang nalalabi sa laro.

"Very good morale-boosting win for us, especially after yung nangyari sa amin last week," pahayag ni Heroes assistant coach Jerry Abuyabor. "Malaking panalo ito para sa amin heading into the second round na hindi kami papasok ng tatlong sunod-sunod na talo."

Nanguna si Vincent Minguito sa ARQ na may 16 puntos, walong rebounds, at apat na assists, habang tumipa si Fletcher Galvez ng 11 puntos.

Kumabig si Joseph Marquez ng 13 puntos at 13 rebounds sa Bohol.

Sa unang laro, naungusan ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang determinadong Dumaguete team tungo sa manipis na 79-73 desisyon para tapusin ang kampanya sa first round na may 401 karta.

Hataw ang beteranong sina Gryann Mendoza at sumisikat na si Dyll Roncal para sandigan ang KCS sa matikas na opensa sa huling parte ng laro at panatilihin ang kapit sa solong pangalawang puwesto, sa likod ng nangungunang MJAS Zenith-Talisay City na may 5-0 marka.

Iskor:

ARQ Lapu-Lapu (61) — Minguito 16, Arong 15, Galvez 11, Berame 9, Solis 4, Abad 3, Mondragon 3, Regero 0, Igot 0.

Tubigon Bohol (55) — Marquez 13, Llagas 8, Musngi 8, Cabizares 6, Montilla 6, Dadjijul 6, Ibarra 4, Casera 2, Leonida 2, Tilos 0.

Quarterscores: 17-17, 33-27, 39-41, 61-55

KCS-Mandaue (79) — Mendoza 20, October 13, Roncal 11, Solera 6, Bongaciso 6, Cachuela 6, Castro 5, Imperial 4, Soliva 3, Delator 2, Tamsi 2, Nalos 1, Mercader 0.

Dumaguete (73) — Mantilla 21, Doligon 13, Roy 13, Regalado 6, Gabas 6, Velasquez 6, Aguilar 4, Tomilloso 2, Gonzalgo 2, Porlares 0.

Quarterscores: 21-21, 43-33, 65-62, 79-73