ni LEANDRO ALBOROTE
Naglunsad ng malawakang paghahanap ang intelligence unit ng Tarlac City Police Station laban sa apat na Budol-Budol Gang members na nambiktima ng isang negosyanteng babae na natangayan ng P2 milyon.
Sa ulat ni Police Chief Master Sergeant Eduardo P. Hipolito, may hawak ng kaso, ang biniktima ay si Rizalina Castro, 55, ng Purok 1, Irisan, Baguio City, habang ang mga pinaghahanap na suspek ay sina Ednalyn Madalan Ponsica, 50; Mavin Jake Madalan, 39, ng Antique Street, Bago Bantay, Quezon City; Rodel Cornel Mendoza, 45, ng Barangay Mambog IV, Bacoor, Cavite, at John Bautista, alyas Bryan at Sultan.
Ang transaksiyon ay naganap sa bisinidad ng TPLEX, Barangay Balingcanaway, Tarlac City kung saan ay nagpanggap na piggery farm buyers ang apat na suspek na intresado sa pagbili ng enzyme cow supplement na nasa ilalim nina Bautista na may kasosyong foreigner na nagmamay-ari umano ng cow-breeder sa Bukidnon at nagbabalak na palawakin sa Luzon.
Sina Ednalyn M. Ponsica at Bautista ay nagkunwang may bodega sa Bulacan at supplier ng iba't ibang produkto. Naka-transaksiyon ng biktima ang apat na suspek sa iba't ibang lugar hanggang bigyan ang biktima ng produkto kapalit ng napag-usapang halaga.
Nang siyasatin ng biktima ang ibinigay na produkto ng mga suspek ay naglalaman lamang ng liver spread at beans. Ang mga ibinayad nito sa suspek ay naka-rekord sa bangko gayundin ang mga pangalan na tumanggap.
Ang kasong ito ay patuloy pang sinisiyasat sa pulisya.