ni MARY ANN SANTIAGO
Isang presinto ng Manila Police District (MPD) ang nagdaos ng feeding program kahapon para sa mahihirap na residente ng Paco, Manila matapos na ma-inspire sa mga community pantries na nagsusulputan ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nabatid na nagsagawa ang mga tauhan ng Paz Police Community Precinct ng MPD-Ermita Police Station 5 ng feeding program sa kanilang nasasakupan sa Paco, Manila kahapon ng umaga.
Aabot sa may 500 katao ang pinakain ng mga pulis ng lugaw at tinapay.
Dahil sa dami ng tao, mahigpit ang naging pagbabantay ng mga awtoridad upang matiyak na magiging maayos ang programa at istriktong naoobserbahan ang physical distancing.
Ayon sa pulisya, inspirasyon nila ang Maginhawa Community Pantry sa Quezon City sa pagtulong sa mga nagugutom ngayon. Ngunit sa halip na community pantry, feeding program ang kanilang naisip para diretsong makakakain ang mga mahihirap.
Laking pasalamat ng mga residente sa mga pulis sa programa habang inaasahan na magsasagawa muli ng kahalintulad na programa ang MPD sa ibang mga araw.
Una na ring nagtayo ng sarili nilang community pantry ang Eastern Police District (EPD) na matatagpuan sa harapan mismo ng kanilang headquarters sa Caruncho St. sa Pasig City.