ni BERT DE GUZMAN
Dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng presyo ng karneng baboy at iba pang bilihin, ipinasiya ng dalawang komite ng Kamara na gumawa ng imbestigasyon tungkol dito.
Pinagtibay ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga at ng House Committee on Trade and Industry sa ilalim ni Navotas City Rep. John Reynald Tiangco, ang mosyon upang magbalanglas ng substitute resolution para sa 10 resolusyon na nananawagan ng pagsisiyasat hinggil sa sobrang pagtaas ng karneng-baboy at mga bilihin.
Nagsagawa ng magkasanib na pagdinig ang dalawang komite upang talakayin nang husto ang HR 987 na inakda ni MAGSASAKA Party-list Rep. Argel Joseph Cabatbat; HR 1495 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas; HRs 1504 at 1505 ni AGAP Party-list Rep. Rico Geron; HR 1512 ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo; HR 1515 ni dating Speaker Rep. Alan Peter Cayetano; HR 1522 ni Speaker Lord Allan Velasco; HR 1526 ni Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting; HR 1556 ni BAYAN MUNA Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate; at HR 1587 ni GABRIELA Rep. Arlene Brosas.
Sa online hearing, sinabi ni Enverga na ang Office of the Speaker ay tumanggap ng isang liham mula sa Office of the President na nagrerekomenda sa pagtataas ng minimum access volume (MAV) para sa karneng-baboy nang 350,000 metric tons bilang dagdag sa kasalukuyang MAV na 54,210 metric tons para sa 2021.
Ayon kay Enverga, noong Marso 29,2021, siya at si Speaker at Tiangco, ay lumiham sa Pangulo para umapela sa rekomendasyon, at ipinaalam ang posisyon ng Kamara na ang importasyon ay gawin lang para mapunan ang supply gap at patawan ng tamang buwis o taripa.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pag-aaralan niya at ikokonsidera ang mungkahi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na ipatupad ang isang price ceiling sa importasyon ng karne.