Ni Edwin Rollon
BILANG hakbang para mas mabigyan ng pangil ang organisasyon ng Pilipinas VisMin Super Cup laban sa mga abusadong player at opisyal at mapanatili ang kaayusan at imahe bilang isang tunay na liga na may dangal at malasakit sa propesyon, ipinatupad ang ‘no-cellphone rule’ sa loob ng Alcantara Civic Center.
Sa memorandum na inilabas ni Vismin Cup Chief Executive Officer Rocky Chan, istriktong ipatutupad ang ‘no-cellphone rule’ sa pagpasok ng mga players at coaches sa bubble venue bilang sandata para maabatan ang mga tawag nang mga indibidwal na magtatangkang magudyok ng kabalbalan sa mga game personnel.
Simula kahapon, lahat ng players, coaches, at team staff ay ipinag-utos na ilagak pansamantala ang kani-kanilang phone at gadgets sa league's technical group, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police officials na ma-aasigned sa venue dalawang oras bago ang kanilang mga laro.
Sa hiwalay na memo, itinalaga ng liga si Chelito Caro bilang head of basketball operations, habang kinuha ang serbisyo ni Raymon Mercader sa technical team na pinamumunuan ni Rey Canete. Naglilingkod si Caro dati bilang secretary-general ng liga.
Samantala, itinaman ng liga ang naunang desisyon na suspension kay Monbert Arong matapos malaman na ang kapangalan nitong si Franz Arong ang siyang sangkot sa kontrobersyal na laro ng ARQ at Siquijor may isang linggo na ang nakalilipas.
Kabilang si Monbert sa naunang pinatalsik ng liga at pinagmulta ng tig-P15,000 kabilang sina Jojo Tangkay, Reed Juntilla, Dawn Ochea, at Ferdinand Lusdoc bunsod ng "acts dishonorable to the game".
"After a thorough review of the game tape by our league and technical officials, between ARQ Lapu-Lapu Builders and Siquijor Mystics, it has come to our attention that Mr. Monbert Arong is not part of the issue and it was Mr. Franz Arong that was involved," pahayag ni Chan sa opisyal na statement sa media.
"Hence, Mr. Monbert Arong is cleared to play effective immediately."