ni Bert de Guzman
Mahigpit na pinabulaanan noong Linggo ng matataas na pinuno ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga rumor na lumabas sa social media na isang grupo ng mga retirado at aktibong military officers ang nag-withdraw na ng suporta kay Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) bunsod umano sa pagsasawalang-kibo niya sa pagdaong ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Nagsimula ang mga haka-haka o rumors ng mula sa Viber group ng mga dismayadong military officials at retired generals sa Twitter nitong linggo. Inihayag ng Palasyo na magbibigay ang Pangulo ng isang"public address" sa gabi ring iyon, pero hindi binanggit ni PRRD ang isyu sa West Philippine Sea sa pulong na ginanap sa Malacanang.
Inilarawan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Linggo ang rumor o tsismis bilang isang "iresponsableng propaganda", at tinawagan ang grupo na nasa likod nito na tigilan ang ganitong gawain sapagkat ang higit na kailangan ngayon ng bansa ay pagkakaisa sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Ganito ang pahayag ni Lorenzana: "Ako ay hindi, at kailanman ay hindi magiging bahagi ng ano mang grupo. Such disinformation is an act of reckless agitation emanating from detractors, who have a limited and myopic appreciation of issues."
Sa panig ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, binalewala niya ang gayong haka-haka at sinabing ang layunin nito ay gumawa lang ng pagkatakot at pagkalito sa mga mamamayan. "Magtutuon kami ng pansin sa aming misyon at patuloy na tutupad sa aming constitutional mandate. We will veer away, as we appeal to all quarters, to spare your AFP from partisan politics."
Itinanggi rin ni Sobejana ang social media posts na nagsasaad na ang "warplanes" mula sa ilang bansa ay lumapag sa Clark Airbase sa Pampanga.
Ang mga ulat tungkol sa paglapag ng mga eroplanong-pandigma ay kasunod ng diplomatic protests mula sa Pilipinas hinggil sa presensiya ng 220 Chinese vessels sa Julian Felipe (Whitsun) Reef. Ang reef ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, pero iginigiit ng China na ito ay nasa loob ng kanilang maritime borders.
Hinimok ni Sobjena ang mga mamamayan na manatiling kalmante at ituring ang mga rumor o haka-haka bilang disimpormasyon. "The AFP is on normal alert as opposed to the claim of that spurious sender".
Kung gugunitain natin, laging binibigyang-prayoridad ni Duterte ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa mga sundalo at pulis. Dinoble pa niya ang suweldo ng mga tauhan ng AFP at PNP, at nang sumulpot ang pandemic sa bansa, tiniyak niya na ang mga kawal at pulis ay makasama sa priority sectors sa COVID-19 vaccines o uunahing mabakunahan.
Noong panahon ni ex-Pres. Marcos, in-spoil din niya ang mga opisyal at tauhan ng AFP na nasa ilalim ni Gen. Fabian Ver, pero nagsipag-alsa rin ang mga ito at sumama kina ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex-AFP vice chief staff at PC-INP chief Fidel V. Ramos.