Bagamat iilan ang tututol sa naging pahayag kamakailan ni Secretary Carlos Dominguez na naging daan ang epektibong macroeconomic management upang mapigilan ang matinding epekto ng pandemya nitong 2020, nariyan naman ang malawak na pagdududa hinggil sa kakayahan ng pamahalaan na maibalik ang sigla ng ekonomiya ngayong 2021.
Sa gitna ng muling pagtaas ng impeksyon ng COVID-19 sa NCR Plus bubble na sentro rin ng negosyo at aktibidad sa industriya, tila bigong makaisip ang pamahalaan ng tamang kombinasyon ng aksyon na magbibigay ng balanse sa usapin ng ekonomiya at kalusugan.
Bago muling ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) nitong Marso 29, ipinaalala na ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa isang briefing sa Palasyo na ang pagpapatupad ng mas mahigpit na protocol kumpara sa General Community Quarantine (GCQ) na ipinatutupad noon ay higit lamang magpapalala sa dalawang pangunahing isyu: ang Kagutuman at kawalan ng trabaho.
Ipinunto niya na nasa P700 milyong kita ang nawawala kada araw sa ilalim ng GCQ; dagdag pa rito, tataas ang bilang ng unemployed ng 128,500 mula sa kasalukuyang 506,000. Sa pagbanggit niya sa isang Philippine Statistics Authority (PSA) Survey na tinatayang 3.2 milyong tao ang nagugutom, sinabi niyang 58,000 ang madaragdag sa bilang na ito.
Bilang pagpapahayag ng pangamba sa datos, iginiit ni Chua ang problema: “The issue we face now is not economy vs. health. It is the total health of the people, whether from COVID, non-COVID sickness, or hunger.”
Inihayag ng Foundation for Economic Freedom, sa pamamagitan ni President Calixto Chikiamco, na bagamat ginawa ng economic team ang kanilang tungkulin, hindi sapat ang ginagawa ng iba pang mahahalagang ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang suliraning ito. Binanggit niya ang tatlong pangunahing kahinaan: ang kabiguan na maipatupad ang tamang testing, tracing at treatment strategy; ang masamang imahe na nilikha ng mga pangunahing opisyal na nalantad sa publiko bilang paglabag sa mga health protocols, at ang kabiguan na maagap na makakuha ng suplay ng bakuna.
Malinaw, na ang mga nasa laylayan ng ekonomiya ang pumapasan ng matinding epekto ng pandemya. Bukod pa sa kawalan ng trabaho at pagtaas ng kagutuman, ang pinakamahihirap na pamilya rin ang pinakamatinding apektado ng dalawang mahalagang serbisyo: Kalusugan at edukasyon.
Ayon sa isang survey sa mga low-income households na isinagawa noong Disyembre 2020 ng World Health Organization (WHO), “the health system is strained under the challenge of management of COVID-19 cases which likely crowd out the delivery of essential health services.”
Dagdag pa rito, naobserbahan din nito na: “As of mid-February 2021, the country stands out as one of few countries which have banned all face-to-face classes since the start of the pandemic with no clear plans to resume them. With school closures and challenges in the delivery of distance learning, students’ learning losses are expected to be enormous.”
Habang ipinananawagan ng mga senador at kongresista ang pagsasabatas ng Bayanihan 3 upang makapagbigay ng karagdagang economic stimulus at makapagpataas ng social safety nets, iginiit ng pamahalaan ang patuloy na pagtitipid, habang ibinabandera ang “Build, Build, Build” bilang pangunahin nitong anti-poverty program.
Epektibong pamumuno at pinabuting pamamahala sa krisis sa kalusugan at edukasyon na dala ng pandemya ang kinakailangan ngayon upang mapahupa ang paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino.