ni MARY ANN SANTIAGO
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nasa high to critical risk na ang utilization rate ng mga intensive care units (ICU) beds sa limang “priority regions” sa bansa, dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Batay sa inilabas na datos ng DOH, hanggang nitong Abril 18, ang ICU utilization rate sa Metro Manila ay nasa 84% na; 73% sa Cordillera
Administrative Region (CAR); 88% sa Cagayan Valley, 87% sa Central Luzon, at 83% sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon).
Sa ilalim ng DOH guidelines, ang isang area ay kinaklasipikang moderate risk kung ang ICU utilization rate nito ay nasa pagitan ng 60% at 69%; high risk kung sa pagitan ng 70% at 84%, at critical risk kung nasa 85% pataas.
Samantala, ang overall healthcare utilization rate (HCUR), na tumutukoy sa occupancy ng mga ward, isolation, at ICU beds, sa naturang limang rehiyon ay nasa moderate to high risk.
Nabatid na ang Metro Manila, na may 67% na HCUR ay nasa moderate-risk category na habang ang Central Luzon ay nasa kaparehong kategorya rin sa rate na 61%.
Ang HCUR sa CAR, Cagayan Valley, at Calabarzon ay nasa high-risk zone na matapos na umabot sa 70% pataas.
“We need to be very clear, kailangan po ng caution sa pag-interpret nitong HCUR kasi katulad po ng sabi namin, nadi-dilute po ito dahil lahat po ng levels ng ospital ay kasama po dito,” sinabi ni Vergeire, sa isang online briefing.
Ipinaliwanag niya na ang HCUR ay apektado ng ilang factors, kabilang na rito ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at ang progression ng mga sintomas ng mga pasyente.
“Maraming kailangan pag-isipan na factors na makakaapekto sa HCUR natin so that we can appropriately interpret it at maintindihan natin,” aniya pa.
Base sa COVID-19 tracker ng DOH, ang occupancy rate levels ng mga pagamutan ay ikinukonsiderang ligtas kung ito ay mas mababa sa 60%, moderate kung nasa 60% hanggang bago mag-70%, high risk kung nasa 70% hanggang mas mababa sa 85% at kritikal kung nasa 85% pataas.
Hanggang nitong Martes ng hapon, nakapagtala na ang Pilipinas ng kabuuang 952,106 COVID-19 cases, kabilang rito ang 809,959 recoveries at 16,141 na namatay.