ni BERT DE GUZMAN

Pinagtibay ng House Committee on Energy sa pamumuno ni Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal-Arroyo sa isang online meeting noong Martes ang mga susog ng committee report ng substitute bills sa House Bills 471, 472 at 3247.

Layunin ng mga panukala na palakasin ang kaalaman, skills at working conditions ng mga lineworkers sa power utility industry.

Layunin ng HB 471 na tugunan ang kakulangan ng linemen sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng pagsasanay sa pagtatatag ng “Lineman Training Academy of the Philippines.”

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang HB 472 naman ay nagpapanukala na ideklara ang unang Lunes ng Agosto bawat taon bilang “National Linemen Appreciation Day,” bilang pagkilala sa mga pagsisikap ng utility line workers.

Ang mga panukala ay inakda ni Power Bloc Partylist Reps. Presley De Jesus (PHILRECA), Sergio Dagooc (APEC), Godofredo Guya (RECOBODA) at Adriano Ebcas (AKO PADAYON).

Samantala, ang HB 3247 na may pamagat na “Lineworker Appreciation and Benefits Act,” na akda rin ni Dagooc ay naglalayong magkaloob ng tamang kompensasyon, dagdag na benepisyo at insurance coverage para sa line workers.